KRUSADA - Vice President Tito Guingona Jr.

Noong nakaraang Martes, pinili ni President Gloria Macapagal Arroyo si Teofisto Guingona Jr. bilang Vice President.

Sa pagpili ni GMA kay Guingona, natapos na rin ang mga haka-haka tungkol sa kung sino nga ang nararapat sa puwestong nabanggit. Ngunit hindi dahil lamang sa pagiging tagapangulo ng partidong Lakas si Guingona ang naging basehan ni GMA, kundi ang pagiging aktibo nito sa pagsisimula ng impeachment trial sa Senado, na nauwi sa EDSA 2 at sa pagpapatalsik kay Erap.

Lingid sa kaalaman ng lahat si Guingona ang unang nagpursigi at humimok sa kanyang mga kasamahan sa Senado na isakdal si Erap kaugnay ng mga binitiwang mga paratang ni Chavit Singson laban dito. Ito rin ang ibinigay na dahilan ni GMA sa kanyang pagpili kay Guingona.

Sa kanyang privilege speech sa Senado noong Oktubre 5, 2000 na pinamagatang ‘‘I accuse,’’ tahasang isinakdal ni Guingona si Erap kaugnay ng mga katiwaliang kinasangkutan nito. Ilang buwan matapos ang kanyang talumpati, nabuo ang impeachment trial sa Senado laban kay Erap. Na-impeach sa Kongreso si Erap sa pangunguna ni Rep. Manny Villar.

Matapos ang EDSA 2, hindi na rin marahil nahirapan si GMA sa pag-aaral sa kanyang pagpili ng kanyang Vice President. Oo’t marami rin ang maituturing na karapat-dapat sa naturang posisyon, ngunit malinaw ang kahalagahan ng kontribusyon ni Guingona sa lahat ng mga kaganapang ito.

Malaki man ang katungkulan at pananagutang iniatas sa iyo, naniniwala naman ang iyong mga kababayan sa iyong kakayahan. Mabuhay ka Mr. Vice President!
* * *
Para sa mga katanungan o mga hinaing, iparating lamang ang mga ito sa inyong lingkod sa VACC@pacific.net.ph o di kaya’y sa psngayon@pacific.net.ph. o tumawag sa opisina ng VACC sa tel. No. 525-9126 loc. 13, 20 at 21.

Show comments