Matatandaang tumayo ako sa Kongreso noong nakaraang taon upang isiwalat ang napakabilis na aksyon ng Central Bank upang ipasara ang Urban Bank. Isang araw lamang ang naging pag-aaral ng Central Bank at isinara na ito.
Kung totoo na nabigyan ng impormasyon si Estrada sa pagsasara ng Urban Bank at nailabas nito ang P143 milyon, paano naman ang mga maliliit na negosyante at mga taong nag-iipon ng kanilang pinaghirapan sa Urban Bank na hindi na nakapaglabas ng kanilang pera? Hindi biro ang pagsasara sa isang banko, hindi lamang sa epekto nito sa mga nagdedeposito kundi ang pangkalahatang epekto nito sa ekonomiya.
Sa harap ng ganitong mga usapin at mabibigat na paratang, ang dignidad at tiwala ng mga tao sa industriya ng banko ay nanganganib. Kung kaya gayon na lamang ang pag-iingat dapat ng Cenral Bank Governor na huwag madawit sa mga isyu upang huwag mabahiran ang integridad ng industriya. Sa harap ng mga paratang na ito, kailangang mabigyan ng pagkakataon si Buenaventura na magpaliwanag at linisin ang kanyang pangalan.