Pinoy sa Tate ipinagbubunyi ang People Power 2

DETROIT, Michigan — Finally, medyo naka-settle na kaming mag-anak para sa aming bakasyon dito sa tahanan ng panganay kong anak na si Alvin. Ako, misis kong si Tess at anak na si Bong.

Medyo natutunaw na ang yelo. Dapat nga sana’y nakapunta kami rito noong Pasko ngunit ipinayo ni Alvin na huwag muna dahil terible ang yelo. Kung problema natin sa Pilipinas ang baha, dito’y yelo sa lansangan ang suliranin at ang walang puknat na pag-ulan ng niyebe.

Una kong ginawa’y tawagan ang ilan sa mga kamag-anak naming malaon nang namamalagi rito sa United States.

Nangunguna rito ang aking tiyo na siya na lamang nabubuhay na kapatid ng aking yumaong amang si Conrado. Siya si Dr. Jose V. Pedroche ng Los Angeles na ang edad ay lampas na sa 80 subalit malakas pa along with his wife Ofelia and both of them are still very active and productive.

Anang aking Uncle — galak na galak ang lahat ng Pilipino sa bansang ito dahil sa nangyaring People Power 2.

Sabi niya sa akin, matama rin nilang sinusubaybayan sa cable television ang impeachment trial laban kay dating Presidente Estrada at halos lahat sila roon ay napabuntunghininga na at halos wala nang pag-asang mapalulutang pa ang katarungan.

"I thought there was no more salvation for our country,"
anang aking tiyo sa akin.

Kung bakit nga naman ilang pamahalaan na ang pumalit kay Marcos at lahat ay may batik ng karumihan.

Pero aniya, itong gobyerno ni Estrada ang "pinakatalamak."

At gaya rin ng mga Pilipinong nasa Pilipinas, lalong nagpuyos sila sa galit dahil sa pagsagka ng mga nakararaming Senators-judges na mabuksan ang mga ebidensya laban kay Estrada.

Ang isa sa mga defense counsel ni Estrada na si dating Manila Fiscal Jose Flaminiano ay kababayan namin sa Tarlac.

Pero halos isumpa siya ng uncle ko. "Shame, shame, shame," aniya.

Ako nama’y walang hinanakit kay Atty. Flaminiano na isang kaibigan. Ganyan talaga ang abogado. Katuwiran nga ng iba na kahit si Satanas ang magkatawang-tao at mademanda, tungkulin ng abogado na ipagtanggol siya. Hindi ko naman sinasang-ayunan ang ganitong rason. Iginagalang ko lang ang prinsipyo ng iba.

Anyway, naganap ang People Power 2 at ayon sa aking tiyo, malugod niyang binabati ang lahat ng Pilipino pati na ang mga impluwensyal na tao sa pulitika at simbahan na tumulong sa ikapagtatagumpay nito, ngunit higit sa lahat, sa bawat mamamayang Pilipinong nagkaisa sa EDSA para maitaboy ang aniya’y "masamang espiritu" na sumaklot sa ating bansa.

Show comments