Nang mag-resign bilang DSWD Sec. si Arroyo pagkaraang mabulgar ang jueteng scandal ni Estrada ay lalo nang nahulog sa kumunoy ang mga batang lansangan. Marami sa kanila ang bumaling sa pagiging snatcher, mandurukot at iba pang masamang gawain. Walang nagawa ang itinalaga ni Estrada na si Sec. Dulce Saguisag para mabawasan ang bilang ng mga batang lansangan. Wala rin namang saysay ang pagtatalaga ni Estrada sa kung sinu-sinong mga advisers na may kinalaman sa kapakanan ng mga bata partikular ang mga kawawang batang lansangan. Maraming pagkakamaling nagawa si Estrada kung ang pag-uusapan ay tungkol sa kapakanan ng mga bata.
May bagong Secretary ang DSWD ngayon at katulad nang malaking pag-asang inaasam kay GMA, ganito rin ang inaasahan kay Corazon Juliano Soliman o Dinky. Maraming hindi nagawa si GMA sa DSWD at ganoon din ang pumalit sa kanya, at inaasahan ng taumbayan na malulutas na ang problema ng mga batang lansangan sa ilalim ni Dinky.
Si Dinky na isang lisensiyadong social worker ay nahaharap sa isang mabigat na problema. At marami ang naniniwala na hindi niya tatalikuran ang mga responsibilidad na iniatang ni GMA. Alam na-ming ang puso niya ay nasa social work at alam din naming nang magtungo siya sa EDSA para sa People Power 2, ang hangarin niya ay mabago ang masamang sistema. Ngayon na ang tamang panahon ng pagbabago. Hanguin ang mga batang lansangan sa kumunoy na kinalalagyan at bigyang kalutasan ang kahirapan na matagal nang inaasam.