Napatalsik si Estrada at marami ang naghahangad ng pagbabago sa administrasyon ni Gloria Macapagal-Arroyo. Maraming inaasahan ang taumbayan lalo na ang mga nagdagsaan sa EDSA para sa People Power 2 na malilinis ang gobyernong dinumihan ni Estrada. Maski ang mga name-droppers ay pinangarap na mawawala sa gobyerno ni GMA. Subalit mahigit isang linggo pa lamang ang gobyerno ni GMA ay may nababanaag nang naghahari-harian at parang mga langaw na ang tingin sa sarili ay mas malaki pa sa tinuntungang kalabaw. Balik uli sa masamang gawi?
Isang halimbawa rito ay ang ginawang katarantaduhan ng dating aktor na si Jovit Moya sa Ninoy Aquino International Airport noong Miyerkules ng umaga. Si Moya, isang pulis Maynila, ay security aide ni Edgardo Manda ang bagong appoint na NAIA general manager. Nagwala si Moya makaraang patigilin para sa routine inspection ng mga security guard doon ang Mitsubishi Strada ng general manager. Bumaba umano si Moya at minura ang dalawang guwardiya. Sinabi nitong kay Manda ang kotse at binantaang sasagasaan ang dalawang guwardiya kapag ginawa uli iyon. Ipinalista pa umano ni Moya ang plate number sa dalawang guwardiya para hindi malimutan. Nagpaliwanag ang mga guwardiya subalit hindi pinakinggan ng mayabang na si Moya.
Isa pang name-droppers ang gumawa ng eksena sa airport din ng sumugod ang isang Capt. Fredelito Juane, isang piloto, sa opisina ni Air Transportation Office chief Jake Ortega at pinababakante na nito ang puwesto. Sinabi ni Juane na ipinadala siya ni dating Tarlac Rep. Jose "Peping" Cojuangco para mag-take over doon. Itinanggi naman ni Cojuangco na ipinadala niya roon si Juane.
Nagsawa na ang taumbayan sa mga matatakaw sa kapangyarihan na umaastang kayang-kaya nila ang sinuman. Isinuka na ang mga ito at hinusgahan sa EDSA, bakit may sumusulpot na naman sa bagong administrasyon. Lipulin ang mga mayayabang na name-droppers!