Pinaghinalaan niya si Andy. At sa tulong ng tiyuhin ni Andy, napabalik niya ito at kusang umamin na siya at si Carding ang nagnakaw. Lumagda pa si Andy sa isang sinumpaang salaysay sa CIS at sinabing pinagbili niya ang mga piyesa kay Mr. Chen isang negosyanteng nagtitinda ng spare parts ng barko at suki nina Luisa.
Hindi inireport ni Luisa ang pagnanakaw ni Andy at Carding. Pinatawad niya ang dalawa at si Mr. Chen ang kinasuhan niya. Dinemanda niya si Mr. Chen ng fencing o pagbili ng nakaw na bagay. May sala ba si Mr. Chen?
Wala. Upang magkasala ng fencing, kailangang mapatunayan ng walang kaduda-duda na (1) may nangyaring nakawan; (2) na ang ninakaw ay binili ng akusado, (3) na alam ng akusado na itoy nakaw; at (4) may balak ang akusado na makinabang o kumita sa pagbili niya nang nakaw na bagay.
Sa kasong ito, walang katunayan na may nakawang naganap dahil hindi man lang ini-report ni Luisa na siyay nanakawan. Bagamat umamin si Andy, ang pag-aming itoy hindi magagamit laban sa ibang tao. Itoy magagamit lamang laban kay Andy na siyang umamin. Sa madaling salita, hindi napatunayan na ang may-ari ng isang bagay ay nawalan at ang pagkawalang itoy sanhi ng krimeng pagnanakaw. Bukod dito, wala ring katunayan na alam ni Mr. Chen na ang binili niya ay nakaw. Kaya hindi nagkasala si Mr. Chen ng fencing (Tan vs. People of the Philippines vs. G.R. No. 134295 August 26, 1999).