Hindi na ako magpaliguy-ligoy pa, kaya naman may tali ang kamay na bakal ni dating Philippine National Police (PNP) chief Director General Panfilo Lacson dahil ang mga gambling lords na ito ay walang alam banggitin kundi si Erap. Dumating na rin ang oras nyo mga hambog.
Ang mga gambling lords ay sina Elmer Nepomuceno at Romy Lajara ng Rizal; Val Adriano ng Makati City; Joel Guevarra ng Marikina City; Peping Suarez ng San Juan; Totong Malendrez ng Pasig City; Gerra Ejercito ng Muntinlupa City at Milo Samson ng Maynila.
Si Nepomuceno at Lajara ang nasa likod ng centralized na jueteng operations sa Rizal samantalang si Adriano ang nasa likod naman ng malawakang pa-bookies ng jai-alai sa Metro Manila. Si Suarez ay kumpare ni Erap kayat walang gustong gumalaw ng kanyang pa-jueteng at iba pang mga sugal. Si Melendrez naman ay ama umano ni Joy Melendrez, ang isa sa mga babae ni Erap.
Isang malaking hamon sa pamunuan ni acting PNP Chief Director Leandro Mendoza, itong mga binanggit kong gambling lords. Kapag naging malambot si Mendoza sa kanila baka magmukhang totoo ang kumakalat na balita na sanggang dikit sila ni Lacson. Ibig sabihin ipinakiusap ni Lacson sa kanya itong mga gambling lords na huwag ng galawin.
Napag-alaman ng aking espiya na ito palang si Mendoza at Lacson ay magkasama dati sa Metrocom. Kayo na mga kababayan ang maghusga rito.
Biglang naging sikat itong si Mendoza, hindi dahil sa ginawa niya sa Camp Crame noong kainitan ng EDSA People Power 2 kundi dahil sa padrino niyang si dating defense secretary Renato de Villa na isa sa mga leader na nagpatalsik kay Erap at nagtalaga bilang Presidente kay Gloria Macapagal-Arroyo.
Ayon sa aking espiya, hindi totoong nadis-armahan ni Mendoza si Lacson at ang mga bataan nito. Sa diyaryo, TV lang pala nangyari ang ganoong sitwasyon, ayon sa mga pulis na nakausap natin.
Naiwan sa ere sina Deputy Director General Reynaldo Wycoco, ang deputy chief for administration at Director Hermogenes Ebdane, na kapwa lumaro rin para mapatalsik si Erap. Si Wycoco ay maagang lumusob sa EDSA para mag-defect at gayon din si Ebdane. Si Ebdane ay suportado naman ni dating President Ramos at ewan ko lang kung sino ang backer ni Wycoco.
Pero sa ngayon, suko na ang kampo ni Wycoco at Ebdane kay Mendoza. Kapwa sila nangakong susuportahan ang liderato nito para hindi na magkawatak-watak na muli ang PNP. Kaya General Mendoza, hagupitin mo na itong mga nabanggit kong gambling lords.