Ngunit kung personalidad ang pag-uusapan, maraming tao ang maituturing nating naging instrumental para magtagumpay ang EDSA II.
Ang lakas loob na expose ni Chavit Singson, Emma Lim at Menchu Itchon, at mga paghahayag nina Perfecto Yasay, Atty. Almadro at Jose Luis Yulo tungkol sa BW scandal ang nagpasimula.
Makasaysayan ang ginawa ni dating Speaker Manny Villar upang mabansagang impeached president si Erap. Ang Prosecution team ni Congressman Feliciano Belmonte, at ang tindig at pagsasalita ni Joker Arroyo ay hindi maaaring balewalain. Siya rin ang unang naghayag ng Jose Velarde Account. Impartial at patas ang naging kontribusyon ni Chief Justice Davide at Senate President Pimentel. Walang duda ang partisipasyon ng 10 senador na magigiting upang luminaw ang katotohanan.
Si Clarissa Ocampo, Atty. Curato, at mga branch managers ng Equitable PCI Bank ay dapat ding parangalan. Magugunita natin na ang bankong ito ang naglakas loob upang maihayag ang katotohanan. Ang pagkakataong ito rin ang direktang nagturo kay Erap bilang Jose Velarde.
Sa kabilang panig, natagumpay din ang EDSA dahil sa galit. Maraming telebisyon ang muntikang mabasag nang makitang nagsasayaw si Tessie Oreta. Nagdagsaan din ang mamamayan upang patunayan kay Maceda na siya ay hibang sa kanyang pananalita.
Sa EDSA, mabibilib tayo sa sipag at tiyaga ni Danny Javier, Chito Gascon, Apo Hiking at mga entertainers na patuloy gumigising at nagpapalakas sa mga nag-rally.
At siyempre, ang pinakahuli sa listahan, ngunit laging nangunguna ay sina Cory Aquino, Cardinal Sin at Fidel Ramos. Ito ang mga tagapagbantay ng moralidad at tagataguyod ng demokrasya, na tunay na instrumental sa kaganapan sa EDSA II.