Nang magsimula ang People Power II noong nakaraang linggo, sinabi ni Ilocos Norte Gov. Bongbong Marcos, anak ng dating diktador na si Ferdinand Marcos na hindi magtatagumpay ang People Power. Minaliit ni Bongbong ang mga nagdadagsaang tao sa EDSA bilang protesta sa ginawa ng 11 senador na huwag buksan ang ikalawang envelope na naglalaman ng mga account ni Estrada. Hindi na umano mauulit ang People Power na nagpatalsik sa kanila sa Malacañang, sapagkat wala rito ang mga Amerikano. Hindi na umano tutulong ang mga Kano para patalsikin si Estrada katulad ng ginawa sa kanila noong 1986. Subalit nagkamali si Bongbong, katulad din ng pagmamaliit ni dating Ambassador Ernesto Maceda na hindi magtatagal ang People Power sa EDSA. Nagtagumpay nang labis-labis ang People Power at napatalsik sa kangkungan si Estrada.
Ngayoy balimbing at hunyango na ang mga Marcos makaraang bumagsak si Estrada. Sinabi ng mga Marcos na susuportahan na nila si President Gloria Macapagal-Arroyo. Nagpalit na sila ng kulay sapagkat bago na ang namumuno. Kung sino ang nasa puwesto ay dito nakakapit. Masama na sa kanilang paningin si Estrada na naakusahan ng pagtanggap ng suhol, pangungurakot, pagwasak sa pagtitiwala ng publiko at paglabag sa Konstitusyon.
Panahon ng balimbing at mga hunyango ngayon. Hindi na ito nakapagtataka sapagkat may mga ambisyong pulitikal ang mga nagsisidikit sa bagong administrasyon. Si Mrs. Marcos ay balak umanong tumakbong mayor ng Maynila. Hindi nakapagtataka kung purihin ang bagong Presidente at isuka ang dating Marcos loyalist na si Estrada. "Weather-weather" talaga ang paglitaw ng balimbing at paglutang ng mga hunyango. Dapat mabantayan ang mga ito upang hindi na muling magkaloko-loko ang bayan. Sanay maging matalino si President Arroyo na malaman ang mga balimbing at hunyango at nang di-mabigo ang taumbayan.