Marami ang nabigo kay Estrada. Noong Biyernes ay nagtataka pa umano nitong naitanong "Where have I failed the people?" Itinanong niya ito ilang oras makaraang abandonahin siya ng kanyang Gabinete at sumama na sa taumbayang nagngingitngit sa galit sa EDSA na nagpasiklab sa People Power II. Maraming pagkukulang sa taumbayan si Estrada at marahil, ngayong wala na siya sa puwesto saka niya malalaman at masasagot ang kanyang katanungan. Marahil ay maaalala niya ang mga ipinangako noong 1998 na umupo siya sa puwesto na dudurugin ang mga corrupt at walang papaborang kaibigan o kamag-anak. Walang natupad sa mga sinabi ni Estrada. Pawang kabaligtaran at kasinungalingan ang kanyang ginawa.
Nagkamali si Estrada at pinaasa lamang ang masa. Marami ang naghirap habang bilyong piso ang umanoy hinihigop nito sa illegal na paraan. Marami siyang kasalanan sa taumbayan at hinatulan siya sa EDSA na walang ipinagkaiba sa nangyari sa diktador na si Marcos noong 1986 People Power revolution. Masakit ang pamamaalam ni Estrada kahapon. Hindi maitago sa kanyang mukha kahit na nakatawa ang masaklap na karanasan na nakaukit na sa kasaysayan. Ikalawang Presidente ng Pilipinas na pinatalsik ng taumbayan dahil sa katiwalian, pag-abuso sa kapangyarihan at pagsira sa tiwala ng bayan. Marami ang hindi makalilimot sa nangyari kay Estrada.
Hindi rin malilimot ng mga Pilipino ang grabeng paghihirap na sinapit sa Administrasyong Estrada. Bumagsak sa pinakamababa ang piso mahigit na 54 laban sa $1. Marami ang nawalan ng trabaho, hindi mapigilan ang pagtaas ng gasolina at iba pang problema na lalong tumindi nang mabulgar ang jueteng scandal. Marami ang nagsisi kung bakit si Estrada na walang direksiyon sa pamumuno ang napiling Presidente. Subalit wala nang magagawa sapagkat magaling lamang palang artista si Estrada.
May bagong Presidente na ang Pilipinas at isang aral ang nangyari kay Estrada upang hindi gayahin ng bagong administrasyon. Tandaang ang taumbayan ang hahatol sa masamang pinuno.