Nauulit talaga ang EDSA I na nangyari noong 1986. Sa isang sorpresang hakbang, sumulpot sa EDSA rally sina Defense Secretary Orly Mercado at AFP Chief of Staff Gen. Angelo Reyes. Sumunod ang iba pang opisyal ng militar at pulisya. Pati si DILG Sec. Fred Lim ay tinalikdan na rin si Erap.
Yes bumaligtad na sila. Kumalas kay Estrada upang sumuporta sa People Power II.
Sabi ng iba, hindi magtatagumpay ang People Power revolution ngayon dahil walang suporta ng mga heneral. Ang pagkalas kay Erap nina Mercado at Reyes at iba pa ay pahimakas ng nalalapit na pagtatapos ng rehimeng Estrada. Isang rehimeng higit na tiwali at talamak sa katiwalian kung ihahambing sa paghahari ng diktador na si Marcos.
Kaya ang pagtalikod ni Reyes at iba pang mga Heneral at opisyal sa President ay isang malaking plus factor para makumbinsi ang Presidente na nawalan na siya ng kapangyarihan mamuno sa bansa.
Nagsimula ang pagdagsa ng taumbayan sa EDSA at Makati matapos pigilan ng 11-senador na lumilitis sa impeachment case laban sa Pangulo ang pagbubukas sa ikalawang envelope na nagtataglay ng mga ebidensiya laban sa Presidente.
Halatang pinipigilan ng ilang tiwaling opisyal ang pagsingaw ng bulok ng Presidente.
Isang bagay ang napatunayan natin, hindi na panlalansi ang mamamayang Pilipino sa mga mapagsamantalang lider.
Napatunayan natin ang lakas ng tao at walang sino mang mauupong lider ang magtatagumpay sa kanilang buktot na hangarin.