Isa po akong Pilipina na nakapag-asawa ng isang Hapones. Sampung taon din po akong nagtrabaho sa Japan bago ako nagpakasal kay Mizue, isang negosyanteng Hapones. Nagkaroon kami ng anak na lalaki.
Sa kasawiang palad, namatay po si Mizue. At dahil hindi ko naman makasundo ang aking mga biyenan, pinagpasyahan ko pong umuwi na lamang dito sa Pilipinas.
Makaraan po ang isang taon, pumasyal ang biyenan kong babae dito sa Pilipinas at hinanap kaming mag-ina. Ipinakiusap sa akin ng aking biyenan na kung maaari ay isasama muna niya ang aking anak sa hotel na kanyang tinitirahan sa Maynila upang makasama naman ang kanyang apo, pumayag po ako. Tatlong araw lamang daw at ibabalik niya ang aking anak. Subalit nang tumuntong ang ikatlong araw, kinutuban na po ako. Tumawag ako sa hotel upang kumustahin ang aking anak, subalit ayon po sa receptionist na aking nakausap ay wala na raw ang maglola sa hotel. Umalis na raw patungong Japan.
Babalik ako sa Japan para kunin ang aking anak subalit ma-impluwensiya pong tao ang aking mga in-laws, ano po ang dapat kong gawin upang maibalik sa akin ang aking anak?
Ang dapat mong gawin ay pumunta sa Consular Assistance Division, 2nd Floor ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa Roxas Blvd., Manila upang magsampa ng iyong reklamo. Hanapin mo si Ms. Violet Enerlan. Dapat mong dalhin ang iyong marriage contract at ang birth certificate ng bata. Tutulungan ka ng DFA na makikipag-ugnayan sa Philippine Embassy sa Japan upang maayos ang pagbalik ng anak mo sa inyo.