Gulat at galit na nga tayo sa P500 milyon. Maski ba sabihin pa ni Sen. Juan Ponce Enrile na labas na yon sa mga paratang ng kabuktutan at suhulan, masakit pa rin. Kesyo sa impeachment complaint daw, ang sinabi lang ay hindi inamin ni Erap ang 62 kompanya nila ng asawat mga querida sa kanyang 1999 Statement of Assets and Liabilities (SAL). Kesyo yung P500 milyon daw, Peb. 4, 2000 lang lumitaw. Kahit na ba, e. Kaya bang kumita ng isang Presidente sa malinis na paraan ng P14,285,714.29 araw-araw mula Enero 1 hanggang Peb. 4, o 35 araw?
At saan nanggaling ang kabuuang P1.2 bilyon na nasa Equitable? Ang opisyal na suweldo ni Erap, P650,000 lang bawat taon. Imposible namang kinita niya yon sa negosyo. E, sabi nga sa 1999 SAL niya na ang perat ari-arian niyay P34 milyon lang. Malabong tumubo yon ng bilyon pisong interes. At bawal siyang magnegosyo habang nasa puwesto.
Yung P20 bilyon sa lima pang banko, saan din galing? Imposible namang sa pelikula yon kinita. Isa lang naman ang sumikat na pelikula ni Erap, yung, Asiong Salonga. Yung iba, medyo-medyo lang, ika nga ng movie scribes. E kung si FPJ na dose-dosena ang hit sa takilya, walang P20 bilyon.
Hindi lang sa jueteng at tobacco tax hinigop ni Erap ang P20 bilyon. Tiyak, may kinalaman ito sa testimonya nina Ruben Almadro, Nonoy Yulo, Jun Yasay at Ed Espiritu. Abangan ang susunod na kabanata, sabi ng prosecutors.
Samantala, namnamin muna natin ang P20,000,000,000. Ang dami namang zero sa kanan! Nakahihilo, nakalulula.