Sa magaling na direct examination na pinangunahan ni dating Congressman Nani Perez, nalaman ng Korte at ng publiko na ninais kausapin ni Estrada si Espiritu upang huwag magbigay ng testimonya ang huli. Hindi bat ito ay napakabigat na ebidensiya sa paglabag nito sa kaukulang probisyon ng Saligang Batas sa pagtitiwala ng publiko rito? Hindi pa man tapos ang pagprisinta ng ebidensiya ng prosecution, napakaliwanag at napakabigat ang ebidensiya laban kay Estrada.
Nang sila ay nagkukuwentuhan ni Dante Tan, inamin umano nito na ka-partner niya si Estrada sa pagmamay-ari ng BW. Sinabi pa ni Espiritu na nagmula rin kay Estrada ang pag-amin sa pagsasabi nito sa kanya, Ed, malaki na ang kinikita ko sa BW.
Kung matatandaan, ang biglang pagtaas ng halaga ng stocks ng BW mula sa ilang sentimo lamang sa mahigit P100 bawat stock ay ikinagulat ng Philippine Stock Exchange. Sa kanilang pag-iimbestiga, nalaman nila ang kakaibang pagtaas ng halaga nito at ang mga ilegal na manipulasyong kasama na rito. Maraming mga inosenteng publiko ang naapektuhan at pati ang integridad ng buong stock exchange ay nasangkot sa eskandalo. Ang ating ekonomiya ang lubusang naapektuhan sa pag-atubili ng mga investors na mag-imbak ng kanilang kapital sa bansa.
At ayon sa testimonya ni Atty. Ruben Almadro, wala man lamang instruction si Estrada upang tulungan ang naapektuhan sa problema ng float sa stock exchange. Hindi bat ito ay paglabag sa kanyang sinumpaan bilang Presidente ng Pilipinas na itataguyod ang batas at ating ekonomiya?