Prosecution, lamang na sa iskor

Umarangkada na naman ang prosecution noong Huwebes nang isalang nila sa witness stand sina Ruben Almadro, dating VP ng Philippine Stock Exchange (PSE); Jose Luis Yulo, dating Pangulo ng PSE at dating Finance Sec. Edgardo Espiritu. Kung baga nga sa basketball, naka-dunk shot sila. Kung sa baseball naman, naka-homerun.

Mukhang walang nagawa ang mga abogado ni President Erap. Harang dito, kaliwa’t kanan ang ginawa ng mga defense lawyers. Muntik-muntikanan na nga nilang mai-disqualify na maging isang prosecution witness si Yulo dahil sa may nakakita rito na wala sa holding room at nanonood sa courtroom. Lumabas din na parang na-blanka at naging tameme ang mga defense lawyers nang biglang ipinatawag ng prosecution si dating Finance Secretary Ed Espiritu bilang witness.

Kaya, hayun, rumatsada ang prosecution at sapol si Erap sa mga ipinahayag ng mga witnesses nito. Lumitaw din ang galing ni Special Prosecutor Nani Perez, dating Congressman ng Batangas at Lakas Spokesman nang igiya niya ang mga pagpapahayag ni Yulo. Naging inutil ang mga abogado ni Erap sa ipinakitang dunong at katalasan ng mga prosecutors.

Ngunit mukhang naisahan ni Laarni Enriquez ang lahat nang malusutan nito ang subpoena na dapat ay ihain sa kanya noong Miyerkules. Nakapuslit patungong Hong Kong si Laarni.

Ang diumanong pag-iwas na ito ni Laarni ay hindi maganda kay Erap sa kaso niya sa impeachment court. May dapat bang ikatakot si Laarni kung kaya’t ayaw niyang humarap sa paglilitis? Kung tutuusin, dapat ngang galit niyang harapin ang mga nagpaparatang sa kanya at kay Erap kung talagang wala silang kasalanan, di po ba? Tingnan n’yo ang nangyari, mukhang sasabit pa si Laarni sa pagkakahuli ng isang diumanong kaibigan niya sa airport na may dala-dalang P6 milyon.

Show comments