Isang halimbawa ay ang naganap noong Martes na umagaw at kumain na naman ng oras sa trial. Walang kuwentang pinagtalunan ang umanoy presensiya ng witness na si Jose Luis Yulo habang kino-cross examine si Atty. Ruben Almadro. Sinabi ni Senator-Judge Anna Dominique Coseteng na nakita niya si Yulo sa loob ng court room bagay na itinanggi naman ng prosecution. Sinabi ni Coseteng na hindi siya nagsisinungaling at pinatototohanan na nakita niya sa loob si Yulo. Namumula sa galit si Coseteng at dalawang beses tumayo at ipinagdiinang nakita niya si Yulo. Hindi umano siya nagsisinungaling, pag-ulit pa ni Coseteng.
Tumayo naman si Senator-Judge John Osmeña at sinabing nakita rin niya si Yulo at umanoy may natanggap pang tawag na nakunan umano ng TV camera si Yulo habang nasa loob ng court room. Natigil lamang ang "pagwawala" ni Coseteng nang mamagitan si Presiding Officer Chief Justice Hilario Davide.
May nasayang ding oras nang "magwala" si Senator-Judge Miriam Defensor-Santiago noong isang linggo. Pinalabas niya sa court room ang tatlong miron na sina Dante Jimenez, Rossana Fores at Bettina Aboitiz. Ayon kay Santiago, tinitigan siya ng masama ng tatlo. Marami ang hindi nakakibo at naantala ang trial dahil sa "pagwawala" ni Santiago. Hiniling niyang huwag nang papasukin sa court room ang tatlong miron.
Subalit bahagyang lumambot ang kalooban ni Santiago at sinabing patatawarin ang tatlo kung hihingi ito sa kanya ng paumanhin. Ayaw pumayag ang tatlo. Kamakalaway binawi uli ni Santiago ang sinabing patatawarin niya ang tatlo. Mahabang oras din ang ginugol ni Santiago kamakalawa para lamang sabihing binabawi na niya ang kapatawaran.
May isang buwan pa bago sumapit ang February 12 na sinasabing matatapos ang trial. Sa loob ng panahong ito, gaano pa karaming walang kuwentang bagay ang pagtatalunan. Gaano pa karaming laway ang patatalsikin kahit walang kinalaman sa trial. Tulungan sanang matapos na ang trial na ito nang walang balitaktakang wala namang kabuluhan.