Sa Maynila man ay halos ganito rin ang tanawin. Mas malalaki rin ang langaw sa mga tambak ng basura rito. Bagamat hinakot na ang mga basura sa gilid ng North Cemetery sa may A. Bonifacio Ave. ay hindi naman mapigilan ang mga walang disiplinang residente roon na magtapon ng kanilang basura.
Sa Caloocan at sa Valenzuela ay mas malala ang problema sapagkat ang kahabaan ng General Luis St., ay tambak din ang basura na kung magtatagal pa ng ilang araw ay baka matakpan na ang kalsada. Maaaring ang mga basurang ito ang magdulot ng grabeng trapik sa lugar na iyon.
Mabaho ang pagpasok ng 2001 sa mga taga-Metro Manila. Hindi rin gaanong napaghandaan at napag-isipan ang problemang ito. Madalas sabihin ni Presidential Adviser on Flagship Projects Robert Aventajado na walang problema sapagkat may pagtatapunan na ng mga basura at hindi dapat mabahala ang mga taga-Metro Manila. Ito ayon kay Aventajado ay ang Semirara Island sa Antique. Subalit nag-isyu ng temporary restraining order (TRO) ang judge ng Antique dahil sa petisyon ng mga residente roon. Ang masakit dalawang barge na puno ng basura ang nakaalis sa Metro Manila at itatapon na sana sa Semirara nang biglang bumaba ang TRO.
Ang Metro Manila Development Authority naman ay wala ring magawang mabisang paraan sa matagal nang problemang ito. Kahit na matagal nang inihayag na magsasara na ang San Mateo landfill ay tila walang ginagawang hakbang upang humanap ng pirmihang solusyon.
Sa pagkakataong ito na ang basura ay banta sa kalusugan ng mga taga-Metro Manila, nararapat lamang na magkaroon ng matalinong pagpapasya at matayog na imahinasyon ang bawat mayor sa mga lugar na ito. Kanya-kanyang isip na ng paraan upang malunasan ang problema. Basura mo, problema mo na ang dapat maging solusyon. Ang problema ng QC sa basura ay lulutasin ni Mayor Ismael Mathay. Bahala siyang gumawa ng paraan. Sa Maynila ay bahala si Mayor Lito Atienza at ganoon din sa iba pang siyudad sa Metro. Kung ganito ang gagawin, baka matapos na ang problema kahit na hindi kumilos ang MMDA o si Aventajado.