Sa nagaganap na pagdinig ng kaso sa Senado, masasabing marami nang narinig at nalaman ang taumbayan patungkol sa iskandalong gumugulo ngayon ng ating lipunan. Dagdag pa rito ang nangyaring bombahan sa ibat ibang bahagi ng Kamaynilaan na kung saan ay marami ang namatay at nasugatan. At dahil nga sa mga pangyayring ito, tila hindi na tuloy matiyak ni Juan dela Cruz kung magtitiwala pa ito sa pamahalaan sa usaping kapayapaan at kaayusan.
Kamakalawa ay naging laman ng mga pahayagan ang tila katawa-tawang insidente sa Senado, na kung saan ako ay naging isa sa mga biktima ng animoy pagmamalabis sa kapangyarihan ng isa sa mga tinaguriang kagalang-galang na senador. Walang due process ang ibinigay sa amin ni Bettina Aboitiz at Rosanna Fores kung saan ay hindi man lamang kami tinanong kung kami ay nagmalabis sa panuntunan ng Senate trial court. Sa kabilang dako ang aming karapatang pangtao ay hindi kinilala bagkus ay inabuso.
Alam marahil ng marami sa ating mga kababayan kung ano ang mga naganap ng hapon na iyon ng Enero 4, at marahil ay naging katawa-tawa pa ang inasal ng senador na nabanggit. Ngunit sa kabilang dako, ang pangyayaring iyon ay magsisilbing isa na namang aral sa ating lahat ukol sa pamamaraan ng isang itinuturing na malaya at masiglang sistema ng pagdinig sa mga kaso na kung saan ay kaugnay ay ang sambayanang Pilipino.
Kung kayat hindi maiiwasan ang muling tanong ni Juan dela Cruz: may hustisya kayang kahahantungan ang mga nagaganap ngayon sa Senado, o ang lahat ng mga itoy isang moro-moro lamang? Abangan.