Sa tingin ng aking mga nakausap mukhang ang bombahan ay isinagawa para ma-preempt ang isang malakihang kilos para mapatalsik sa puwesto si Presidente Estrada. Ang malungkot lang dito, dahil sa kagustuhan ng mga grupong sila ang uupo sa Malacañang, marami ang nadadamay na sibilyan na wala namang kinalaman sa usapan.
Dahil sa kaguluhan noong Sabado, ang kampo ngayon ng pulisya at militar ay nagtitiktikan para alamin kung sino sa kanila ang may kinalaman sa bombahan. Sinabi ng aking mga nakausap na senior at junior military at police officials na hindi totoo ang binabanggit ni PNP Chief Director General Panfilo Lacson na wala silang kakayahan na pakinggan ang mga usapan ng ating pulitiko at opisyales na hinihinalang ayaw na kay Estrada. Ang Presidential Anti-Organized Crime Task Force (PAOCTF) ay may kakayahan, anila.
Sa parte naman ng militar ang taga-Intelligence Service of the Armed Forces of the Philippines (ISAFP) ay may bugging device rin. Sa sitwasyong political ngayon ng bansa, ang PAOCTF at ISAFP ay kapwa nasa bugging operations. Ang ibig kong sabihin ay pinapakinggan o minamanmanan nila ang ginagawa ng bawat isa. Kayat halos lahat ng opisyales ng militar at pulisya sa ngayon ay ayaw na halos gumamit ng telepono dahil alam nilang naka-bug ang mga ito. Hindi nila alam kung sino ang nakikinig sa kanilang usapan.
Matatandaan na itong si Lacson at Lt. Gen. Jose Calimlim, na hepe ng ISAFP ay hindi magkasundo. Bawat isa sa kanila ay may sariling interest kayat hindi nalalayo na sila-sila mismo ay nag-aamuyan.
Ang balitang kumakalat sa Camp Crame ay mga sibilyan ang may pakana ng bombahan. Ang nasa likod umano ng grupo ay ang isang mataas na opisyal ng pulisya na may sariling ambisyon din sa buhay. Subalit alam na ng disgruntled na opisyales ng pulisya kung sino itong tinutukoy nating opisyal ng PNP. Nagmamasid sila at kapag may sapat na silang katibayan, lulutang ang kanilang grupo at pipigilin ang anumang balak niya at ng kanyang grupo. Malalim ang kasong ito kaya dapat mag-ingat ang mamamayan na nadadamay kahit wala silang kasalanan.