Ayon kay Dr. Joseph Catipon anak ng kilalang ophthalmologist na si Dr. Phoebe Catipon na dapat na ugaliing magsipilyo matapos kumain. Dapat na ang pagsisipilyo ay tumagal ng limang minuto at may tamang paraan dito. Ipinakita ni Dr. Catipon sa aming public service TV show Mahal ang tamang paraan ng pagsisipilyo.
Sinabi ni Dr. Catipon na ang tartar ang pinagsisimulan ng pagkasira ng ngipin. Dumarami ito kapag hindi tayo nagsisipilyo. Sinabi rin niya na isa sa mga dahilan ang mabahong hininga ay ang mga sira at bulok na ngipin. Dahilan din ang pustisong matagal nang hindi napapalitan. Ayon sa kanya ang pustiso ay dapat tumagal mula tatlo hanggang anim na taon at depende na rin sa pangangalaga at paglilinis ng sinumang gumagamit ng pustiso.
Ipinaliwanag ni Dr. Catipon na may pagkakataong nakadarama ng pangingilo ng ngipin. Itoy sa dahilang may sira ang ngipin kaya sumasakit ito lalo na kapag uminom ng malamig na tubig.
Ipinapayo rin ni Dr. Catipon na iwasan ang pag-inom ng softdrinks at pagkain ng matatamis lalo na ang mga candies. Ipinapayo rin niya sa mga babaing buntis na umiinom palagi ng tabletang may calcium at gatas para tumibay ang ngipin ng kanilang anak.
Ipinapayo rin na ugaliing magpatingin sa dentista para masuri at magamot ang sirang ngipin at magamot ang gingivitis o ang pagdurugo ng gilagid. Para sa mga karagdagang kaalaman sa pangangalaga ng ngipin kumunsulta kay Dr. Joseph Catipon. Maaari siyang tawagan sa 817-6721 at 817-6481.