Ang kaso ay tungkol sa lupain na may tanim na pili, anahaw, niyog, saging at pinya. Dalawang partido ang umangking may-ari nito. Si Aling Pining na nagsasabing minana niya ito sa kanyang ama at itoy tinataniman ni Mang Pedro na kanyang tenant; at sina Mang Cardo at Aling Anita na nagsasabing ang lupay nasa posisyon at tinataniman nila ng 45 taon na.
Ang unang kaso ay sinampa sa DARAB ni Mang Pedro na nagsasabing siyay tenant ni Aling Pining. Habang itoy nakabinbin, inatasan ng abogado ni Mang Pedro na pumitas nang mga prutas at dahon ng anahaw sa lupa. Nang malaman ito nina Mang Cardo at Aling Anita, nagsampa sila sa Municipal Trial Court (MTC) ng dalawang kaso upang pagbayarin ng danyos si Mang Pedro, ang katulong nitong si Manuel, at abogado nito at upang pigilin pa sila sa kanilang ginagawang pagpitas.
Matapos ang mabilis na paglilitis, nagpasya ang MTC pabor kina Mang Cardo at pinagbawalan sina Mang Pedro na molestiyahin ang mga ito sa pamumusisyon sa lupa.
Nang umapila sina Mang Pedro, pinawalang bisa ng Regional Trial Court (RTC) at Court of Appeals (CA) ang desisyon ng MTC. Sinabi ng RTC at CA na ang kasong sinampa nina Mang Cardo sa MTC ay may kinalaman sa relasyon ng may-ari at tenant ng lupaing pambukid. Kayat DARAB ang may hurisdiksiyon dito. Tama ba ang RTC at CA?
Mali. Ang kasong sinampa nina Mang Cardo ay upang makakuha ng danyos lamang dahil sa pamimitas ng prutas. Itoy hindi tungkol sa relasyon ng may-ari at tenant. Sa katunayan nga dalawang partido ang umaangking may-ari ng lupa. Walang kapangyarihan ang DARAB na pasyahan kung sino ang may-ari nito. Hanggat hindi napapasyahan kung sino ang may-ari ng lupa, hindi magkakaroon ng usapin tungkol sa relasyon ng may-ari at tenant. (Morta Sr. vs. Occidental, et. al. G.R. No. 123417 June 10, 1999).