Ang Pebrero naman ay buwan ni Norberto Manero, Jr. Siya iyong na-pardon ni Erap ng hindi sinasadya.
Noong Marso at Abril napag-usapan ang waistline ng mga pulis. Sumikat din dito ang salitang payola sa Kongreso. Ito rin ang simula ng hostage taking sa Sipadan, Malaysia.
Noong Mayo ay panahon ng kaguluhan. Nagdeklara ng giyera sa Mindanao na umabot ang bombahan sa Metro Manila. Ang tensiyon sa mga buwang ito ay hindi matutularan. Mabuti na lamang at noong Hunyo, nagbalik na rin ang malay ni Rosalinda at naaliw muli ang mga Pilipino.
Ang Hulyo ay religious war sa Mindanao at kumpirmasyon din ni Press Secretary Dong Puno. Kasabay naman nito ang pagbagsak ng Payatas at pagtaas ng gasolina. Isang libong piso na ang full tank. Dahilan ito ng mga welga na nakaapekto rin sa manggagawa. Pasikat na rito si Robert Aventajado dahil sa usapin ng ransom money.
Setyembre na ay terorismo pa rin ang bumabalot sa pahayagan. Kasikatan ito ng Abu Sayyaf at pagbibigayan ng dolyares. Tinabunan ito sandali ng DECS at ng kanilang mga Expedition at Pajero.
Ang pinakakontrobersiyal na buwan ay ang Oktubre. Ang buwan na ito ay napunta sa expose ni Ilocos Sur Gov. Chavit Singson na hanggang kasalukuyan ay pinag-uusapan. Dito rin umamin ang balato twins. Ang kasaysayan ng Pilipinas ay nag-umpisang maukit sa buwan na ito.
Ang Nobyembre ay EDSA part II na dinaluhan ng libu-libong katao. Jueteng pa rin ang laman ng pahayagan, kasabay ng pagbibitiw nina Villar at Drilon. Dito rin nangyari ang makasaysayang pagsasakdal ng kasong impeachment laban kay Estrada. Ang salitang Speaker of the people ay umusbong. Ang Disyembre ay ibigay natin sa impeachment trial. Halos araw-araw ng paglilitis ay nababalita at pinanonood ng taumbayan. Ang mga pangyayari at pagbubulgar dito ay sinusubaybayan ng mundo.
Isang taong punumpuno ng pangyayari at kontrobersiya. Sana ay may natutunan tayo rito dahil ito ay tunay na makasaysayan.