Tinanggap ng babae ang katotohanan na siya ang may pagkukulang. Hanggang sa mabalitaan niya na may ibang babae ang kanyang asawa sa bayan.
Wala siyang magawa. Saan siya pupunta kung hihiwalay siya sa asawa? Hindi na siya babalik sa pusaling pinanggalingan. At wala siyang lakas ng loob para awayin ang lalaking pinakasalan niya sa pambababae nito.
Pati ang kanyang mga kamag-anak at kaibigan ay siya ang sinisisi. Eh, paano hindi mo mabigyan ng anak ang asawa mo. Siyempre gagawa yan ng bata sa ibang babae. Hindi bale, di ka naman pinababayaan at saka di naman pinakasalan ang kalaguyo sa bayan. Para ka lang may kasosyo sa buhay.
Ang laging iniisip niya ay kung paano makagaganti.
Isang araw ay nagpunta siya sa isang magaling na pintor sa bayan. Dala niya ang bagong litrato ng asawa at litrato niya.
Ipinta mo kaming dalawa. Nakaakbay siya sa akin habang ako ay nakaupo sa silya, paliwanag niya sa pintor. Ipinta mo ang pinakamalalaki at pinakamahal na alahas. Sa aking tenga ay lagyan mo ng brilyanteng 24 karat na may pares na singsing. Gayundin ang pendant na korteng puso na puno ng bato."
Madali po iyon, pero masyado yatang maluho.
"Tama, para pagnamatay ako, maloloka sa kahahanap ng mga alahas ang bride ng asawa ko. Matataranta ang asawa ko sa pagpapaliwanag sa mga alahas na wala naman.