Unang nagkasakit ang kanyang ina at namatay.
"Bakit mo ito ginawa, Diyos ko? Bakit?"
Parang sagot sa tanong ay natagpuan ang kanyang ama na nakabulagta sa bukid na bumubula ang bibig. Nakainom daw ng lason. Naulilang lubos ang magsasaka.
Nang mag-asawa ang magsasaka ay hindi pa rin nagbago ang kanyang buhay. Puro kamalasan ang dumarating sa kanya.
Sa kauna-unahang pagkakataon ay sumakay ang magsasaka sa bapor para maghanap ng trabaho sa Maynila. Lumubog ang barko at anumang sigaw ay walang sumaklolo sa kanya.
Napadpad siya sa maliit na islang walang tao. Gumawa siya ng maliit na kubo roon at araw-araw ay winawagayway ang kamiseta para makita ng eroplano o barkong dumaraan. "Diyos ko, hayaan po ninyong makita ako."
Biglang umulan na may kasamang kidlat. Tinamaan ng kidlat ang kubo at nasunog. "Diyos ko, bakit ang kubo ko pa ang tinamaan at nasunog? Talagang galit ka sa akin, Diyos?"
Biglang dumating ang isang bangka na may tatlong mangingisda. Sinagip ang magsasaka.
"Paano ninyo ako nakita?"
"Nakita namin na nasusunog ang iyong kubo kaya kami pumarito."