Matapos iyon, naging parang bayani na ang tingin ng taumbayan kay Ocampo na katulad ng pagtingin kina Marichu Itchon at Emma Lim, ang dalawang matapang na testigo na humarap na rin sa impeachment court.
Bigla ring nabago ang damdamin ng mamamayan sa Equitable na inakala nila na nagpagamit sa mga diumanoy mga anomalyang transaksyon ni Erap at mga kaalyado nito. Sa halip na ipagpatuloy ng maraming sektor ang kampanya upang huwag nang tangkilikin ang Equitable, nabaligtad ang kanilang pakikitungo sa bankong ito. Walang tigil ngayon ang pagpuri rito.
Bahagi na rin ng usap-usapan kung ano ang dahilan at bakit nabago ang takbo ng Equitable sapagkat marami ang nakakaalam kung gaano kalapit sa isat isa sina Erap at ang dating chairman nito na si George L. Go. Di ba nga may mga balita na kumita raw ng limpak-limpak ang mga taga-Malacañang sa pamamagitan ni Mark Jimenez nang ayusin nila ang pagsasama ng PCI Bank at Equitable? Ito naman ay bali-balita lamang.
Ayon naman sa mga taga-loob ng Equitable, napilitan daw na sumibat at mag-resign si Go sapagkat nabuko na sila. Lalabas at lalabas din ang katotohanan tungkol sa mga "milagrong" transaksyon ni Erap at mga kampon nito. Kung hindi aalis si Go, mas higit pa sa Urban Bank ang mangyayari sa Equitable. Sa hakbang nilang ito, na-acquit at gumandang muli ang equity ng Equitable.