Ngayong Kapaskuhan, alalahanin natin ang mga kapuspalad na kababayan, ang mga ulila sa mga bahay ampunan, batang lansangan, ang mga maysakit, at mga maralitang kababayan. Ngayong bakasyon at may pagkakataon tayong maglinis ng ating mga silid, aparador, garahe, at ibang sulok ng bahay, ibahagi sa iba ang mga lumang damit, sapatos, laruan at iba pang kagamitang hindi na ginagamit. Mas magiging kapaki-pakinabang ang mga ito kung gagamitin ng ibang tao kaysa itatabi lamang at pamamahayan ng alikabok.
Ang pagbibigay ang tunay na diwa ng Pasko. Hindi bat ang isang Kristiyano ay dapat na maging mapagbigay at dumamay sa pangangailangan ng iba? Sa mapagpalang kamay ng Diyos nagmula ang mga biyayang ito at sanay matuto tayong magbalik ng kahit man lamang kaunting bahagi nito sa kapwang nangangailangan. Hindi bat sinabi ni Jesus na kung ano ang ginawa natin sa ating mga kapatid ay ginawa na rin natin sa Kanya? Sa gitna ng masagana at magaan nating pamumuhay, matuto tayong maging sensitibo sa pangangailangan ng iba. Matuto tayong dumamay sa kahinaan ng iba.
Dalangin ko na naway patuloy ang biyayang ipinagkakaloob ng Diyos sa inyo upang sa gayon ay mas maging bukas ang inyong palad sa pagtulong sa iba. Sama-sama nating pasayahin ang ating kapwa na nangangailangan ngayong Pasko.