Erap at Perla Bautista: Limang taong nagsama

Limang taong nagsama sina Erap at Perla Bautista. Ayon kay Perla nagsimula ang kanilang relasyon noong 1959 at natapos noong 1964. Walang kamalay-malay si Perla na nang magsimula ang kanilang relasyon, may-asawa na pala si Erap. Ikinasal na pala ito kay Luisa Pimentel, isang psychiatrist sa National Mental Hospital sa Mandaluyong. Inaamin ni Perla na mahal na mahal niya si Erap.

Ang limang taon nilang pagsasama ni Erap ay nagdulot din sa kanya ng maraming pasakit. Pawang hapdi ang nadama niya lalo pa at hindi siya regular na sinisipot. Kung minsan ay hindi umano siya tinatawagan sa telepono. Subalit patuloy siyang naghihintay sa lalaking pinagkalooban ng kanyang sarili. Alam niyang darating din ito at magkakapiling sila. Kung minsan, ayon kay Perla, mahigit isang linggo siyang hindi sisiputin ni Erap. Pero dahil sa mahal niya ito ay hindi niya tinatanong kung ano ang dahilan at hindi man lamang tumatawag para siya kumustahin. Isa pa’y alam na ni Perla na may asawa ni si Erap. Hindi na niya ito pag-aari subalit nasasaktan siya sa mga nangyayari. Dahil nga sa pagmamahal niya kaya nga pati ang kanyang sarili ay isinuko rito nang buung-buo at walang pingas.

Minsan umano ay sinabi ni Erap sa kanya noon na ipaa-annul nito ang kasal kay Loi. Aywan niya kung binobola siya nito. Pagkatapos aniya ng pitong taon at hindi sila nagsama ng babaing pinakasalan ay maaari nang pawalang-bisa ang kasal. Kung pambobola man iyon o totoo, naghintay naman umano siya. Tiniis ang lahat ng mga pasakit na dumarating sa kanya. Marami siyang nabalitaang iba pang babaing nakahumalingan ni Erap. Okey lang. Patuloy pa rin siyang umaasa sa mga sinabi at pangako ni Erap.

Pero ang pangako ay hindi nagkakaroon ng katuparan. Hanggang sa mabalitaan ni Perla na nanganak na ang asawa ni Erap na si Loi – sa panganay na si Jinggoy. Parang kinurot ang puso ni Perla nang malaman iyon. Wala nang pag-asa.

Mas masakit nang malaman niyang habang may relasyon sila ni Erap ay pumasok sa eksena ang isa pang babae sa buhay nito. Walang iba kundi si Guia Gomez, isang starlet na nakatambal sa pelikulang Asiong Salonga. Nakadama siya ng kabiguan sapagkat ibinahay kaagad umano ni Erap si Guia. Mas bata at mas sariwa si Guia. Estudyante pa lamang ito noon.

Martir umano siya ayon kay Perla. Sa kabila nang mga pambababae ni Erap ay wala siyang sinasabi rito. Hindi niya kinumpronta. Wala siyang ginagawa. Basta ang alam niya, mahal niya si Erap. Hindi niya kayang magtanong o magmakaawa sa unang lalaking bumihag sa kanyang puso. (Itutuloy)

Show comments