Katatapos ko lamang ng doctorate degree in education last March. Sa kasalukuyan ako ay nagtuturo sa isang private college dito sa Maynila. Ilang buwan matapos kong matanggap ang doctorate degree, bigla akong pinatawag ng aking pinagtapusang unibersidad. Ako raw ay ihaharap sa isang investigating panel sa salang plagiarism.
Napatunayan daw nilang kinopya ko ang aking doctoral dessertation mula sa isa pang research paper. Hindi ko raw binigyan ng sapat na annotation at referrence ang nasabing dissertation. Sa kabila ng pagtatanggol ko sa aking sarili, binawian pa rin nila ako ng doctoral degree. Alam ko namang sapat ang aking katibayang hindi ako nagkamali sa pagsulat ng aking papel at ni minsan hindi ako nagtangkang mangopya ng gawa ng sinuman.
Maaari ba akong mag-sampa ng kaso laban sa unibersidad at mababawi ko pa ba ang aking titulo?
Ang plagiarism ay ang paggamit o pagkuha ng akda o sinulat ng isang tao o isang bahagi nito, o paggaya sa ideya o pagkakasulat nito, at pagpapanggap na ito ay orihinal na ginawa ng iba.
Hindi kailangang gayahin ng eksakto ang akda ng isang tao para makasuhan ng plagiarism. Maaaring isang mahalagang bahagi lamang ang ginamit o kinuha ngunit ito ay sapat para makasuhan ng plagiarism. Gayunman, walang plagiarism na nangyari kahit ba parehong pareho ang dalawang akda kung ang ikalawa ay nagawa ng hindi nababasa o nakikita ng sumulat ang naunang akda.
Sa copyright law, kinikilala ang fair-use doctrine. Ito ay ang pribilehiyo o karapatan ng iba maliban sa may-akda na gamitin ang copyrighted material sa tama o makatarungang paraan kahit walang pahintulot ng may-akda.
Kung mapapatunayan mo na ang dissertation ay orihinal mong gawa, maaari mong kasuhan ang unibersidad, lalo pa at mayroon kang reputasyon na dapat pangalagaan. Ang gagawin mo ay base sa Art. 2176 ng ating civil code:
Whoever by act or omission causes damages to another, there being fault or negligence, is obliged to pay for the damaged done.
Kailangan mo ring patunayan na mayroong kapabayaan o negligence ang unibersidad dahil hindi muna nila inalam ang pinagbasehan ng iyong doctoral dissertation bago ka inakusahan ng plagiarism.
Ang negligence ay ang kawalan ng sapat na pag-iingat at pangangalaga sa interes ng isang tao na hinihingi ng pagkakataon, na nagdulot ng pinsala sa taong nabanggit.
Kung mapapatunayan mo sa hukuman na wala kang ginawang plagiarism, inuutos ng hukuman na ibalik sa iyo ang iyong doctoral degree at ang pagbabayad sa iyo ng kaukulang danyos.