Binubusalan si Chavit

Napapansin n’yo ba? Pilit pinapatay nina Joseph Estrada at mga bata nito ang testimonya ni Chavit Singson sa impeachment trial.

N’ung unang araw ng paglilitis, sinabi ng mga abogado ni Erap na gawa-gawa lang ni Chavit ang kuwentong jueteng. Kung tetestigo man ito, huwag daw paniwalaan ang pagsasasabihin.

Pero nang tumestigo na nga si Chavit, tinangka nilang pigilan ang pag-direct examination ng pribadong abogadong si Simeon Marcelo. Sabay nito, nagkahulan ang mga tuta ni Erap sa Kongreso kung bakit nagsama pa ng pribadong abogado ang 11 congressmen-prosecutors.

Ano ba naman ang masama sa pagkuha ng private lawyer? Libre naman ang serbisyo ni Marcelo. Binigyan na ng Kamara de Representante ng tungkulin ang prosecutors na pagbutihan ang pag-uusig kay Erap. Pinondohan pa ng P5 milyon para dito.

Tapos, nagsimula na ang hearings. Napasa-ilalim na ng Senate impeachment court ang prosecutors. Hindi na magkasing-ranggo ang mga senador at congressmen. Kasi, huwes na ang mga senador at taga-usig lang ang 11 congressmen. May sariling rules of impeachment ang Senado. Maaari sa rules nito ang pribadong abogado na tagausig o taga depensa. Di na puwedeng kuwestiyonin ng Kamara. At lalong di dapat hadlangan ng mga hamak na pribadong abogado lang ng depensa.

Pero ibang maglaro sina Erap. Mas gusto nila ang teknikalidad at maniobra kaysa sustansiya ng batas. Kaya si D-D-Didagen Dilangalen, pinababawi ang P5-milyong pondo ng prosecutors kung di nila sisibakin si Marcelo. Sadyang pagpoposas ito sa prosecutors, na kailangan ng pera para sa pagsasaliksik at pagpapakopya ng mga dokumento.

Pinatala ng mga abogado ni Erap ang patuloy na objection nila sa pag-direct examination ni Marcelo kay Chavit. Bago magtapos ang trial, ipabubura raw nila sa records ang testimonya nito. Sadyang pagbubusal ito kay Chavit.

Ba’t ba takot na takot sila sa testimonya at ebidensiya nito?

Show comments