Dahil sa kabagalang kumilos ng NBI sa paghahanap kay Dacer, binabalak na ng mga anak nito na mag-hire ng private investigators upang magkaroon ng linaw ang misteryosong pagkawala. Frustrated na ang mga anak ng PR man at nararamdaman nilang walang interes sa paghahanap sa kanilang ama ang NBI. Ito ay sa kabila na nangako sa kanila ang NBI na gagawin ang lahat ng paraan para makita ang kanilang ama. Ang kawalang pag-asa ng mga anak ni Dacer ay nadadagdagan sa pagwawalang-bahala rin ni President Estrada na nagkataong kumpare pa ng PR man. Inaanak ni Estrada sa kasal ang isang anak ni Dacer.
Ang isa pang nakapagtataka sa NBI tungkol sa kaso ni Dacer ay ang pag-iimposed nila ng news blackout. Ayaw na nilang magsalita tungkol sa kaso. Ang news blackout ay ginawa makaraang makipag-meeting noong Martes ang NBI sa Presidential Anti-Organized Crime Task Force (PAOCTF), PNP-Criminal Investigation and Detection Group, Intelligence Service of the Armed Forces of the Philippines. Isa umanong agent ng NBI ang nagsabing may kautusan mula sa Malacañang na huwag nang mag-leak sa media ng anumang may kinalaman kay Dacer.
Hindi maganda kung may katotohanan man ang balitang ito. Ano ang dahilan at iuutos ng Malacañang na huwag magsalita ang NBI? Ang paghihinala na may kinalaman ang Malacañang sa pagkawala ni Dacer ay hindi maaaring mawala. Maraming iisipin ang taumbayan sa sitwasyong ito na matindi ang political crisis at nasa ilalim ng trial si Estrada. Tatalbog sa administrasyon ang anumang masamang balak kung totoo man ang report na gag order sa NBI. Dapat lusawin ang espekulasyong ito.