Umalis si Lacson habang nasa katindihan ang mga protesta na humihiling na bumaba sa puwesto si President Estrada. Tila hindi binigyang-pansin ni Lacson ang mga nangyayaring pangingidnap, panghoholdap, drug trafficking, coup rumor at naging mabagal ang kanyang organisasyon sa paglutas sa mga krimen sa Kamaynilaan. Isang halimbawa rito ay ang mabagal nilang pagkilos sa pagkawala ni Salvador "Bubby" Dacer, isang kilalang public relations practitioner. Hanggang sa kasalukuyan, wala pa silang lead at ang tanging na-recover ay ang Toyota Revo nito sa Maragondon, Cavite. Kamakalawa’y napabalitang patay na umano si Dacer at itinapon ang bangkay sa Corregidor. Isinasangkot ang isang pulis sa pagdukot kay Dacer na pinabulaanan naman ni Lacson.
Sunud-sunod din ang mga naganap na pag-ambush. Inambush ang dating mayor ng Doña Remedios Trinidad sa Bulacan at apat na pulis ang suspect. Kamakalawa ay inambush naman ang municipal administrator ng Biñan, Laguna at hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa nakikilala ang tatlong suspect. Ano pa ang susunod na magaganap at tila wala namang ginagawa ang PNP upang mapanatili ang katahimikan. Ngayong panahon ng Kapaskuhan ay nangangailangan ng seguridad ang taumbayan laban sa mga masasamang loob. Matutupad ba nila ang tungkulin kung sila ay abala sa pagbabantay sa mga nagra-rally at nagpoprotesta laban kay Estrada?
Ang presensiya ni Lacson sa panahon ng kaguluhan o mga kagipitan ay kinakailangan. Higit sa lahat ang seguridad ng nakararami ang mahalaga at hindi ang sa iilan o sa iisa lamang. Ang taumbaya’y sagad na sa hirap at kung pati ang kanilang mga sarili ay malalagay sa panganib, sobra na ang ganito. Kung ang pagtungo ni Lacson sa US ay para sa sarili niyang kapakanan o ambisyon, hindi maganda sa panahong ito na ang krisis ay nagpapabagsak sa ekonomiya. Dapat busisiin ang misteryosong trip ni Lacson sa US.