Umiigting ang political crisis at inaasahang titindi pa habang isinasagawa ang impeachment trial laban kay President Estrada. Kahapon sinimulan ang trial at inaasahang matatapos ito sa kalagitnaan ng January. Lalo namang dumarami ang mga anti-Estrada protesters at lumalakas ang panawagan nilang magbitiw na si Estrada.
Isa sa pinakabagong grupo na nagpakita ng paglaban kay Estrada ay ang mga retired generals ng Armed Forces of the Philippines. Nanawagan ang mga retired generals sa mga sundalo na huwag nang suportahan si Estrada. Ang mga retired generals ay sina Fortunato Abat, Jose Almonte at Ramon Montaño.
Sinabi naman ni National Security Adviser Alexander Aguirre na ang sinumang sundalo na lalahok sa mga protesta bilang pagsunod sa panawagan ng mga retired generals ay iko-‘‘court martial.’’ Ipinahayag ito ni Aguirre nang lumutang ang balitang may mga sundalong nag-file na ng leave para sumama sa mga protest rally.
Mabigat ang banta ni Aguirre na magdadagdag sa kalituhan ng mga sundalo. Baka magkawatak-watak na kung hindi magiging maingat ang mga namumuno. Baka sumingaw na ang init ng pagkadiskuntento at iba pang problema sa kanilang hanay. Hindi ito dapat ipagwalang-bahala.
Nabalita rin naman na binabantayan na sa PNP ang PMA Class ’76 at ’78. Diskuntento na umano ang mga klaseng ito dahil sa hindi magandang pamamalakad ni PNP Chief Director Panfilo Lacson. Ang iba’y nasasaktan sa hindi makatwirang pagpo-promote ni Lacson na marami sa kanila ang nahahakbangan. Hindi ito dapat.
Dapat makita ng administration ang pagkadiskuntentong ito upang masugpo ang usok ng haka-haka at hindi na lumaki ang apoy. Ngayong matindi ang political crisis, dapat maging maingat na walang matapakan, walang maagrabyado at walang masaktan.