Si Seksing sekretarya kasi, anang aking espiya ay may relasyon sa kanyang among heneral kayat malaki ang papel niya sa mga pumapasok na kontrata.
Sinabi ng aking espiya na si Heneral ay malapit kay PNP chief Director General Panfilo Lacson kayat hindi siya magalaw-galaw. Hindi rin ako magtataka kung ang relasyon ng dalawa ay magiging ugat para lalong lumala ang napabalitang demoralisasyon sa hanay ng pulisya.
Alam na halos lahat ng opisyal ng PNP sa Camp Crame ang relasyon ni Heneral at ni Seksing sekretarya at kapag hindi pa umaksiyon si Lacson ukol sa dalawa, hindi ako magtataka kung maging isyu sila sa mga kumakalat na white paper sa kampo.
Ayon sa aking espiya, naputol na ang bawal na relasyon ni Heneral at sekretarya noong mga nagdaang taon. Kaya ko sinasabing bawal ay dahil itong si Sekretarya ay may asawa. Subalit nitong mga nagdaang buwan ay mukhang nagkabalikan sila at presto biglang lumaki ang papel ni Sekretarya hindi lamang sa buhay ni Heneral kundi pati sa kanyang opisina.
Sinabi naman ng mga junior officers ng pulisya na aking nakausap na walang bukambibig si Sekretarya sa mga kontratista kundi kung magkano ang porsiyento niya sa mga ipinapasok nilang kontrata.
Garapalan na talaga ang modus operandi niya at kahit mga opisyal mismo ng pulisya ang lumalapit ay wa-epek pa. Pera-pera lang at walang personalan, anang seksing sekretarya sa mga nakausap niya.Takot namang magreklamo ang kontratista kayat minabuti nilang tumahimik na lamang.
Kaya pala nag-iipon ng malaking halaga si Sekretarya ay dahil may balak tumakbo bilang mayor sa isang bayan sa norte sa darating na eleksiyon ang kanyang asawa. Gusto talagang mambili ng boto itong si Sekretarya para mapaupo ang asawa niya. Sobrang buwenas naman ng mga residente sa bayan nila at makikinabang sila ng husto no?
Ang masama pa, anang aking espiya, ay ginagamit ni Heneral at sekretarya ang opisina nila para mag alam nyo na. Ang milagro nila ay hindi nakaligtas sa kanilang mga kaopisina subalit dedma lang ang mga ito. Siyempre pa, malakas ata si Heneral kay Lacson kayat walang sabit.
Dapat imbestigahan ni Lacson itong relasyon nina Heneral at seksing sekretarya dahil imoral ito. At ng sa gayon hindi maakusahan ang liderato niya na may kinikilingan.