Mga papogi ni Erap

Napapansin n’yo ba na para bagang biglang nagising si President Erap. Kaliwa’t kanan na ngayon ang pamiting niya sa mga mahihirap kung saan namumudmod siya ng mga titulo ng lupa at kung anu-ano ang mga ipinapangako. Inumpisahan niya itong gawin diyan sa Quezon City at Caloocan City. Umusad siya sa Rizal at mga malalapit na lugar sa Maynila. Kamakalawa ay malayu-layo na ang narating ni Erap. Nagsadya siya sa Pangasinan upang anya makiisa siya at maipakita ang kanyang pagmamahal sa mga mahihirap. Maniwala man kayo o hindi sa sinabi niyang ito, kayo na ang bahala. Subalit may nakapagbalita sa akin na ang ginagawa niyang ito ay bahagi ng pagpapa-pogi sapagkat sirang-sira na ang kredibilidad niya sa mamamayang Pilipino.

Parte pa rin ng PR at propaganda program para kay Erap ay ang iba’t ibang pakulo na ating masasaksihan sa mga darating na mga araw. Katulad ng nabanggit ni Executive Secretary Ronaldo Zamora, si Erap daw ay isa nang ‘‘changed man.’’ Ang gustong sabihin, nagbago na ang Presidente, Totoo ba ito?

Ewan ko kung kasama pa rin sa mga pakulo ang sinabi ni Erap kay Sec. Felimon Uriarte ng Dept. of Science and Technology. Ipinangako ni Erap kay Uriarte na sasama sa Couples for Christ kung ipagpapaliban nito ang pag-alis sa Gabinete. Si First Lady Loi raw ang isasama ni Erap sa Couples for Christ.

Totohanin kaya ni Erap ang pangako niyang papasok sa Couples for Christ, isang kinikilalang organisasyon ng Simbahang Katoliko na tanyag sa pagpapabuti at pagpapalakas ng relasyon ng mag-asawa? Papaano ang mga mistresses ng Pangulo? Handa ba niyang iwanan ang mga ito? Hindi ba naman kaya pakulo lamang ito ni Erap at bahagi lamang ng kanyang image-building? Sa kabilang dako, papayagan ba naman kaya siyang pumasok ng pamunuan ng Couples for Christ?

Marami pa rin ang nag-aalinlangan sa mga kinikilos at mga pananalita ni Erap. Dahil sa dami ng mga paratang at alegasyon sa kanya, nawalan na ng tiwala sa kanya ang maraming sektor ng lipunan. Patuloy siyang naghahanap ng paraan upang muli siyang paniwalaan ng taumbayan. Hindi pa ba huli ang lahat?

Show comments