Mala-palasyo ang kanilang bahay at kumpleto sa kagamitan. Mula sa telebisyon, stereo, refrigerator, washing machine at iba pa.
Nang magdaos ng ika-55 kaarawan ang magsasaka ay niregaluhan siya ng asawa ng hindi pangkaraniwang regalo. Isang tiburin na hila ng puting kabayo. Makintab ang debuho ng karwahe.
Siyempre ipinapagpasikat ng magsasaka ang tiburin sa buong nayon at bayan. Siya lang sa kanilang lugar ang may tiburin. Ang iba ay nasa siyudad. Paminsan-minsan ay inihihinto niya ang tiburin para lalong pagkalumpunan ng mga tao. Para rin makausap ang mga taga-nayon at masagot ang kanilang mga katanungan.
Isang 8-anyos na batang lalaki ang naglakas loob na lumapit at nagtanong sa magsasaka. "Saan po ninyo nakuha ang tiburin? Maaari po bang isakay ninyo ako para makita sa aming lugar. Malapit lang naman po iyon dito."
‘‘Regalo ito sa akin ng asawa ko noong kaarawan ko. Sige, sakay na at pupunta tayo sa inyong lugar.’’
Nagtungo nga sila at inihinto ng magsasaka ang tiburin sa isang maliit at gigiray-giray na dampa.
‘’Tatawagin ko lang po ang aking nakababatang kapatid,’’ sabi ng bata.
Ang tinawag ng bata ay ang kapatid na payat na anim na taong gulang. Nakasaklay ito. Nanlaki ang mga mata nang makita ang tiburin.
Sabi ng kuya sa nakababatang kapatid. "Utol, sumakay ako sa tiburin na iyan. Pinapunta ko rito dahil gusto kong makita mo. Paglaki natin bibigyan kita ng tiburin sa iyong kaarawan. Nahihirapan ka kasing makalakad dahil pipilay-pilay ka.’’