Pagkawala ni Dacer masamang pahiwatig

Lahat ng nakakakilala kay Bubby Dacer, ang sikat at matinik na public relations practitioner ay nagulantang nang nabalita na nawawala ito noong Biyernes ng umaga. Isa na ako sa mga kaibigan ni Bubby na hindi makapaniwala sa nangyari sapagkat alam kong wala namang maghahangad na gawan siya ng masama. Siya ay maka-tao at maka-Diyos. Isang biyudo, mahal na mahal niya ang kanyang mga anak. Isa rin siyang tunay na brother hindi lamang sa kanyang mga kaibigan kundi sa ibang nangangailangan ng kanyang tulong.

Bukambibig ang pangalan ni Bubby sa kahusayan sa Public Relations kung kaya’t marami siyang mga malalaki at mahahalagang kliyente. Kabilang dito ay ang mga impluwensiyal at malalaking tao sa business, industry at government na katulad nina President Erap at dating President Ramos.

Iba’t ibang haka-haka at kuru-kuro ang lumutang sa pagkawala ni Bubby. Pangunahin dito ay ang paratang sa kanya na kasangkot diumano sa destabilization campaign na pilit na idinadawit ang grupo nina Ramos at dating Security Adviser Joe Almonte na kilalang malapit kay Bubby. Ayon naman sa iba, maaaring maraming nalalaman si Bubby na may kinalaman sa mga kontrobersiyal na transaksiyon ni Erap at ng kanyang mga sinasabing cronies na tulad ni Dante Tan. May balita ring may hawak si Bubby na mga ebidensiya na maaaring magamit laban sa mga anomalya ng mga matataas na opisyal ng Philippine National Police, AFP at iba pang ahensiya ng gobyerno.

Kahit na ano pa ang sabihin, hindi maganda sa imahen ng administrasyon ni Erap ang nangyari kay Bubby. Ibinibilang kasi si Bubby sa mga Oposisyon na laban sa kasalukuyang Presidente. Ito ay maaaring magpahiwatig na delikado kapag lumaban sa administrasyon ni Erap.

Harinawang makaligtas si Bubby sa panganib at muli namin siyang makasama at marinig sa kanya ang karaniwan niyang pagbati ng "I love you, brother."

Show comments