Sa Sapol tuwing Martes at Biyernes, tutulong akong linawin ang mga isyung humihila sa ating buhay – di lang pambansa kundi, mas importante pa nga, pang komunidad. Mga expose at scoop din.
Salamat sa inyong pagtanggap. Salamat din kina Grace Glory Go at Al Pedroche, kina Fernando Lopez at Carlito Sala na magpapakalat ng kolum na ito, kay Bonnie Lachica na titiyak ng pang-kape (he-he-he), at kay Ronnie M. Halos na taga-edit.
O, game.
Lilitisin na ng Senado si Erap simula Disyembre 7. Apat na paratang o ‘‘articles’’ ang sinampa: suhulan, kabuktutan, pagtaksil sa tiwala ng bayan, at lantarang pagsuway sa Konstitusyon. Sampung sakdal o ‘‘counts’’ ang pinaloob sa apat na paratang.
Sa unang paratang lang, suhulan, binanggit ang jueteng. Nilabag daw ni Erap ang Presidential Decrees 46 at 749 nang tumanggap siya kay Chavit ng P10-milyon hanggang P35-milyong lagay buwan-buwan mula Nobyembre 1998 hanggang Agosto 2000. Galing daw ito sa jueteng lords.
Tatlo ang sakdal sa paratang na kabuktutan. Nariyan ’yung bintang ni Chavit na kinupit ni Erap ang P130 milyon mula sa kauna-unahang release na P200-milyong tobacco excise tax na para sana sa pananim ng Ilocos. Si Atong Ang daw ang nag-abot ng pera.
Sakdal din ng kabuktutan ang pagtatayo ng kompanya ni Erap ng 36 na townhouse sa Vermont Park, Executive Village, Antipolo. Kulang daw ng permits mula sa City Hall, brinaso ang pagkuha ng clearances. Dinaan sa palakasan.
Nariyan din ang pekeng 1999 Statement of Assets and Liabilities ni Erap. Tatlong kompanya lang ang inilista niyang pag-aari nila ni First Lady Loi Ejercito at mga anak nila. Nilihim ang 59 pang sosyo nila ni Loi, at ng mga kabit at anak niya sa labas. (Itutuloy)