Pare-pareho ang ibinigay nilang dahilan. Nais nilang maging independent lalo na sa mga bagay na may kinalaman sa kanilang pagiging hurado sa impeachment trial ni President Erap. Magandang hakbangin ito para sa kanila sapagkat libre silang makapagde-desisyon ng walang partidong didiin sa kanila.
Subalit dito nagtatalu-talo ang taumbayan. May kanya-kanya silang haka-haka tungkol sa tunay na kadahilanan ng pagkalas ng mga nabanggit na senador sa partido ni Erap. May mga nagsasabi na ‘‘moro-moro’’ lamang ang pag-alis ng mga ito sapagkat ang talaga namang target nila ay ang pag-aabsuwelto ni Erap sa inihaing impeachment case.
Iba’t iba rin ang pinagbabatayan ng kanilang pagdududa sa talagang intensiyon ng mga senador na tumiwalag sa kampo ni Erap. Marami sa mga ito ang may mga malaking utang na loob sa Presidente.
Kung tutuusin nga naman, napakahirap talagang basahin ang tunay na nasasaisip ng mga senador kung kayat walang tigil ang ginagawang pag-aanalisa ng Oposisyon sa kinikilos ng mga senador. Hindi rin nila binabale-wala ang pagtutok sa mga kasamahan nilang senador sa Oposisyon. Sa pulitika nga naman, walang kasiguruhan. Kasamahan mo ngayon sa hirap at ginhawa, mamaya lamang, nasa kabilang panig na.
Saksi tayo ngayon sa mga kaganapang malalathala sa kasaysayan ng ating bansa. Nasa kamay ng bawat Pilipino ang ating magiging kinabukasan. Nasa harap tayo ng isang pagsubok. Pinamimili tayo kung ano ang ating nanaisin… kasamaan o kabutihan.
Para sa akin, hindi maaaring magkaroon ng puwang ang anumang uri ng kasamaan sa ating lipunan. Kung kaya Pilipinas magpakatatag. Iwaksi ang lahat ng uri ng interes na laban sa bayan!