Nene, umaasa sa iyo ang bayan

Una, congrats kay Nene Pimentel sa pagkakahalal sa kanya bilang Senate President kapalit ni Frank Drilon.

Marahil, may agam-agam ang iba dahil it is perceived that Pimentel’s sentiment is pro-Estrada.

Ngunit personal kong nakilala si Pimentel noon pang panahon ni Pangulong Cory nang siya’y local government secretary.

Matuwid siya at walang anomalya sa katawan. May prinsipyo at matalino. Sa kanya, ang mali ay mali. Ngunit hindi siya agad humuhusga nang hindi masusing nasisiyasat ang usapin.

Simpleng tao na makikita sa estilo ng pananamit, pamumuhay at pakikisalamuha sa ibang tao. Hindi namimili ng kakausapin. Kahit pa reporter ng pinakamaliit na pahayagan o radyo ay kinakausap niya. Hindi pilit kundi buong init. Down to earth ang taong ito.

Binibiro ko pa nga siya noon: ‘‘Nene, kung maging Presidente ka, welcome ba ako sa Malacañang?’’

Sagot niya’y ‘‘matulog ka pa sa tabi ko.’’

Of course,
alam naman nating biro iyon dahil kapag naging Pangulo ang isang tao’y may mga protocol nang dapat sundin. Ngunit sadyang makikita mo ang sinseridad ng isang tao kapag kausap mo nang malapitan.

Isa siya sa mga pangunahing nakibaka at nagdusa sa rehimeng Marcos.

Bakit ko sinasabi ito?

Ito’y para mapawi ang agam-agam na imamaniobra ng mga maka-administrasyong mambabatas ang resulta ng impeachment trial upang pumabor kay Estrada.

Naniniwala ako na maka-amoy lang ng kaunting singaw si Pimentel, siya mismo ang mag-aalsa. Isa siyang taong hindi puwedeng paikutin. Taong natatapos ang loyalty sa partido kung ang nakataya ay kapakanan ng buong bansa at mamamayan.

Mr. Senate President,
sana’y huwag mo kaming biguin.

Nawa’y maging tapat ka sa pangako mo na ang buong katotohanan lamang ang maisisiwalat at ang karampatang hustisya ang maipatutupad sa pagwawakas ng trial na ito.

Iyan din ang apela natin sa lahat ng mambabatas at personahe na sangkot sa paglilitis ng usaping ito.

At sa mga magtatangkang gumamit ng lakas ng salapi upang imaniobra ang resulta ng impeachment, matakot kayo sa Diyos dahil magtagumpay man ang kasamaan, pansamantala lang.

Sa dakong huli’y ang tama pa rin ang mananaig at yaong mga nagsipandaya ay mananagot sa Diyos.

Sa Proverbs 10:9 sinasabi ‘‘Honest people are safe and secure, but the dishonest will be caught.’’

Ipairal ang walang dayang timbangan na simbolo ng hustisya. Tandaan ang sinasabi ng Panginoon sa Proverbs 11:1: ‘‘The Lord hates people who use dishonest scales but is happy with honest weights.’’ (email: alpedroz@hotmail.com)

Show comments