Ayon sa batas na ito, ang parusa ay multa, suspensiyon, o pagkatanggal sa tungkulin, depende sa bigat ng paglabag. Ang batas na ito ay hindi maaaring gamitin sa isang Presidente, na kung saan nakasaad sa Saligang Batas, ang proseso na dapat gamitin sa pagpapatalsik. At ito nga ay ang impeachment. Ito ay hindi isang kriminal na proseso kung saan ang ebidensiya at pagpapatunay ‘‘beyond reasonable doubt’’ ang susundin. Ang prosesong impeachment ay magpapasya lamang ng pagkawala ng tiwala sa kanyang kakayahan. Kaya’t "sapat’’ o ‘‘akmang’’ ebidensiya lamang ay maaari nang gamiting batayan upang husgahang nagkasala ang Presidente.
Sa kasong administratibo, ang pag-amin ng Presidente na siya ay tumanggap ng salapi, gayundin sa kaso nina Senators John Osmeña at Tessie Oreta ay sapat ng ebidensiya upang hatulan sila ng pagkakasala. Ang pananalitang ito pa lamang ay maituturing at mabigat na basehan na upang sabihing nawalan na ng tiwala ang taumbayan sa kanila.
Isang insulto naman sa kaisipan ng mamamayan na sabihing tinanggap nila ang pera at ibabalik na lang nila ito dahil nabuko na sila. At dahil ibinalik o dahil nariyan pa sa banko ay ligtas na sila sa kanilang ginawa. Sa ordinaryong empleyado o opisyal ng pamahalaan, ang katumbas nito ay suspensiyon, multa o pagkatanggal sa tungkulin. Dahil sila ay Presidente, o senador, lalong nararapat lamang na hindi sila nakaaangat sa intensiyon ng batas na ito.