Magaling magsalita, ngunit ito ay dahil magaling magbaluktot ng argumento, maglagay ng salita sa bibig ng katunggali, at depensahan itong sariling pagbabaluktot.
Sa isang usapin na ang katanungan ay kung dapat bang tanggapin o hindi ang alok ng reconciliation ng Presidente, ang pangunahing premise ni Escudero ay walang masama sa pag-uusap. Mula rito, nakipagtalo na siya at naglatag ng kanyang argumento. Congressman Escudero, magkaiba ang pag-uusap sa reconciliation. Madaling magbuo ng argumento sa ‘‘pag-uusap,’’ mahirap sa ‘‘reconciliation.’’
Nang sabihin ni Fr. Robert Reyes sa kanyang argumento na bago ang reconciliation, kailangan muna ng insight sa katotohanan, at pagkukumpisal, na hindi naman ginagawa ng Presidente. Ang sagot ni Congressman Escudero ay wala naman daw sinasabi sa Katolisismo na bago mag-usap ay kailangan munang mag-resign.
Kung pakikinggan ang kanyang pananalita, at pagdadahilan, magaling at mahusay. Ngunit kung susuriin, baluktot at nanliligaw din. Pinaghalo na ni Congressman Escudero ang pag-resign sa punto ng pagpapalabas ng katotohanan, at ng pag-amin sa kasalanan, at idinawit pa ang kanyang pagiging isang Katoliko.
Iyan ang nangyayari kapag ipinahihiram ang kredibilidad, at kung hahayaang manghimasok ang pulitika at pangangatwiran sa idealismo, konsiyensiya, paniniwala at relihiyon.