Siyempre, natural lamang na labanan ni Erap at ng kampo niya ang anumang paraan na mapaalis siya sa kanyang tungkulin bilang Presidente kahit na ano pa mang kadahilanan. Ilang ulit na niyang sinabi na "I will not resign." Matigas at desidido ang kanyang pananalita.
At ito na nga ang nangyayari sa ating bansa ngayon. Ngipin sa ngipin. Bakal sa bakal. Matira ang matibay. Patuloy ang Oposisyon sa pag-aarangkada samantalang ang jeep ni Erap ay pilit pa ring umaahon sa malabunduking lansangan. Kapwa masalimuot ang kanilang tinatahak marating lamang ang kani-kanilang nais patutunguhan. Ang Oposisyon ay nagnanais na magbitiw si Erap. Ang kabilang panig naman ay nagnanais mapanatili si Erap sa tungkulin.
Madugo ang labanang ito sapagkat ang dalawang kampo ay may mga kanya-kanyang estratehiya upang mapagtagumpayan ang kani-kanilang mga layunin. Sulung nang sulong ang mga Oposisyonista ngunit ang mga taga-Erap naman ay padribul-dribol lamang at patuloy na naghahanap ng paraan upang mapabagal ang proseso. Nasaksihan natin ang pagharang ng mga kapartidong kongresista ni Erap sa pagsusulong ng proseso ng impeachment.
Ipagpalagay na natin na maiaakyat ang impeachment case sa Senado, hindi rin maisisiguro na matatalo si Erap kahit na sabihin pang marami na ang umalis na mga senador at mga kongresista sa Lapian ng Masang Pilipino (LAMP). Anong malay natin, baka kasama sa plano na kunwari ay hindi na kasama ni Erap ang mga umalis subalit papabor din pala ang mga ito pagdating ng hatulan sa impeachment. Isa pa, totoo kaya ang ibinunyag ni Sen. Jun Magsaysay na may nakalaang suhol sa mga senador para manalo si Erap?
Maliwanag na ang tinutumbok ng kampo ni Erap ay maabsuwelto ito sa lahat ng kanyang mga kasalanan at mapanatili pa rin bilang Presidente. Ano siya, sinusuwerte?