Karagdagang ulat sa Alzheimer's disease

NAUNA nang inilathala ng BANTAY KAPWA ang mga sintomas ng pagkakaroon ng Alzheimer’s disease na kalimitang iniuugnay sa mga taong nagkakaedad kung kaya’t sila’y nagiging makalilimutin at kapag malala na ay tuluyan nang nawawalan ng memorya. Narito ang karagdagang ulat sa sakit na ito.

Ayon sa neuro-psychiatrist na si Dr. Simeon Marasigan ang Alzheimer’s ay isang uri ng karamdaman sa utak sa mga may edad na 65 pataas. Ito’y isang chronic ailment at dahan-dahang dumarating. Wala itong tiyak na paggaling subalit ito’y maaaring maantala sa tamang proseso. Mahalaga sa isang pasyente na magkaroon ng tinatawag na ‘‘response’’ o pagtugon sa katanungang puwede ba o hindi ba puwedeng mapabuti ang memorya.

Lahat halos ng may Alzheimer’s ay nagkakaroon ng depression at anxiety. Hindi sila mapalagay at parang may laging bumabagabag sa kanila at sila’y nag-iisip at nagiging malulungkutin kaya dapat sa mga tagapag-alaga nila o ang mga care-givers ay maging lalong maunawain, matiyaga at mapagmahal sa matatandang ulyanin na at wala na sa matinong pag-iisip. Ang karamdamang ito ay namamana.

Ayon kay Dr. Marasigan, dapat na laging paganahin ang utak. Ugaliing magbasa at makipagtalastasan sa iba tungkol sa iba’t ibang isyu at maglaro ng mga mapagkakalibangan gaya ng crossword puzzle.

Show comments