Kamakalawa ay bumitiw na si Trade and Industry Sec. Mar Roxas II. Siya ang ikalawang miyembro ng Gabinete na bumitiw kay Estrada, una ay si Department of Social Welfare and Development (DSWD) Gloria Macapagal-Arroyo. Bumitaw na rin ang iba pang kongresista at senador sa LAMP. Maging ang mayor ng Lipa City na si Vilma Santos, isang artista na tulad din ni Estrada ay nagpahayag na hindi na siya sumusuporta sa administration. Habang tumatagal ay lumalakas ang bagyo at ang barkong sinasakyan ni Estrada ay pinapasok na ng tubig. Nagbabanta na ng paglubog at nagkakanya-kanya nang nagtatalunan ang mga nakasakay dito. Bago nagbitiw si Roxas sa Gabinete, noong nakaraang linggo ay nagpahayag itong "nabubutas" na nga ang barko ng Estrada administration at dapat na itong tulungan upang hindi lumubog. Ang ibig kayang sabihin ni Roxas ay tulungan itong iwanan upang maisalba ang tuluyang pagbagsak ng ekonomiya. Sa isang report ay sinabing kaya nagpasyang bumitiw si Roxas sa Gabinete ni Erap ay sapagkat hindi naman umano pinakikinggan ang kanyang mga payo para sa ikauunlad ng bayan.
Nangako ng reporma si Estrada noong nakaraang linggo subalit walang epekto at lalo pang tumalim ang bagyo. Nakadagdag sa galit ng bagyo ang pagsasalita nina Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff Gen. Angelo Reyes at Philippine National Police (PNP) chief Director Panfilo Lacson. Marami ang nagsabing walang ipinagkaiba ang senaryo noong panahon ni dating diktador Ferdinand Marcos.
Kung sadyang tapat ang pangakong baguhin ang sistema, hindi na dapat ipakita ang puwersa ng militar at pulis sa pagkakataong ito. Kung totoo ang pangakong dudurugin ang corruption at kronismo ipakita ito sa kaseryosohan at sa pagsasagawang makatotohanan – hindi sa himig-pananakot. Ang pananakot ay magdudulot lamang ng alimpuyo sa kakaibang bagyo.