Ang kawalan ng nutrisyon sa mga kabataan ang nagbunsod upang haluan ng bitamina, mineral, iron at calcium ang mga pangunahing pagkain ng ating mga mamamayan. Ayon sa mga pag-aaral ng World Health Organization, ang mamamayang Pilipino ay kulang sa iron, Vitamin A, iodine, thiamin, riboflavin, ascorbic acid, calcium at folate.
Sa ilalim ng batas na aking inihain, madadagdagan ang bitamina at mineral ng mga pagkain ayon sa pinakabagong Recommended Dietary Allowances (RDA). Sakop ng programang ito ang lahat ng imported at lokal na prosesong pagkain na ibinebenta sa Pilipinas batay sa rekomendasyon ng Department of Health at Bureau of Food and Drugs.
Dalawang paraan ng fortification ang nakasaad dito, ang voluntary at compulsory fortification. Sa ilalim ng voluntary fortification, ang DOH ang magmumungkahi ng fortification sa mga kumpanyang gumagawa ng processed foods batay sa mga alituntunin ng DOH-BFAD. Sa ilalim naman ng compulsory fortification, sakop dito ang bigas na hahaluan ng Iron, arina na hahaluan ng Vitamin A at Iron, asukal na hahaluan ng Vitamin A, mantika hahaluan ng Vitamin A at iba pang pagkain batay sa direksyon ng National Nutrition Council.
Ngunit ang prosesong ito ay magiging mabigat sa mamamayan. Kaya magkakaroon ito ng apat na taong implementasyon. Sa pamamagitan nito, ang mga kabataan ay lalaking malusog, malakas at matalino para sa ikauunlad ng ating bayan.