Ilan pang dagdag sa kaalaman

Kasabihan na ang hindi marunong lumingon sa pinanggalingan ay hindi makararating sa paroroonan. Ang matandang salawikaing ito ay maaaring kontrahin ng ilang kabataan ngayon subalit napatunayang may katotohanan kaya dapat bigyang pansin.
* * *
Ayon sa matatanda ang ‘‘am’’ ng sinaing ay maraming gamit. Ipinaiinom ito sa bata kapag sinisikmura.

Gamot din ito sa mga lasing para huwag magka-hang-over. Ipinapayo ring kumain ng lugaw para mainitan ang sikmura. Ipinagbawal nila sa mga gutom na huwag uminom ng malamig na tubig dahil sisikmurain sila.

Ipinapayo rin na huwag magpapakabusog lalo na sa gabi at huwag matutulog agad at baka bangungutin. Huwag din daw kakain nang maraming kanin dahil nakalalaki ng tiyan. Huwag din daw manatiling nakaupo matapos kumain para maiwasan ang pagkakaroon ng bilbil. Iwasan ding uminom ng softdrinks at ng alak.

Ang sunud-sunod na pagpupuyat ay masama sa katawan. Huwag maliligo kapag puyat dahil malalamigan at maaapektuhan ang utak. Iwasan din ang maligo kapag pagod para huwag maparalisa ang mga ugat at laman.

Masama rin ang kumain ng sobrang matamis, maalat at maanghang. Ang mga dalandan at kalamansi ay presko sa katawan at gamot din sa tonsilitis. Ang ubas ay dapat kinakain kung tag-lamig. Mainit ang ubas at dito nagmumula ang alak. Ayon sa mga matatanda ay dapat na alamin natin ang mga pagkaing dapat kanin kung tag-ulan at tag-init dahil sa epekto nito sa ating katawan.

Show comments