"Wala akong karapatang magsalita, ngunit sasabihin ko ang ibig kong sabihin," ang matatag na sambit. "Gustung-gusto ko nang lumaya. Kung alam n’yo lang ang kalagayan ko sa loob ng kulungan, sasabihin n’yong ayaw ninyong bumalik doon kailanman." Hindi alam ng interpreter kung isasalin o hindi ang sinabi ng nasasakdal. Ang stenographer naman ay hindi marunong magrekord ng Filipino.
"Objection, this is breach of procedure," hayag ng piskal.
"Tingnan n’yo ito." Ibinaba ang pantalon. "Pagmasdan n’yo ang kulay talong na marka sa aking puwitan." Lahat ay namangha. Si Tata Belen ay nagulat sa rebelasyon. Matatanggal kaya siya sa serbisyo? "Ito ang batas ng kulungan."
"Attorney Santiago, tell your client that she’ll have a chance to speak. Else, I’ll cite both of you for contempt!"
Pinaupo siya ng tagapagtanggol ngunit hinayaan niyang ipagtanggol siya ng konsensya. "Ang ninasa ko sa hukumang ito ay katotohanan. Bakit hindi n’yo usisain ang pulis na iyan, na napag-utusan lang para magsinungaling. Alam ko. Alam ko sapagkat nakakulong ang mga pulis na humuli sa amin. May kasong extortion. Nakarma!" bulung-bulungan.
"Totoo po iyon," sunod na rin ni Lito. "Kaselda ko ang isa!" Ang api ay nakakuha ng inspirasyon sa pakikipaglaban ng kapwa api.
"This is enough!" Tok! Tok! "Guard iposas sila!"
"Marangal ang aming trabaho. Tinawag ako ng araw na iyon para makapagbigay serbisyo sa isang apartel subalit naging pugad pala iyon ng drug lord. Ginamit kaming panlinlang sa alagad ng batas, kami ng bellboy kong kaasunto. Ang pagkakasala namin: Kami’y mga tanga!"