Dapat ba silang ipanalangin ?

TINATAGUBILINAN tayo ng Salita ng Diyos na ipanalangin ang isa’t isa lalo na ang mga namumuno sa ating pamahalaan.

Tagubilin iyan sa bawat Kristiyanong may personal na relasyon kay Jesus. Ngunit sapat ba ang panalangin? Wasto ba na ipanalangin ang sinuman kahit pa siya’y talamak sa kasamaan?

Noong Linggo’y tagapagsalita ako sa aming Iglesiang Jesus Our Foundation Ministry at ito’y bahagi ng aking pinaksa sa gitna ng mga krisis na sumasaklot ngayon sa ating pamahalaan.

Naniniwala akong ang mga nangyayaring sigalot ngayo’y panggising sa ating mga Kristiyano. Mga Kristiyano sa nguso subalit hindi sa puso. Kristiyano sa wika at hindi sa gawa.

Mga ‘Kristiyano’ na nakakaligtaang mamuhay katulad ni Jesus. Mga Kristiyanong wala nang pinag-iba sa mga mamamayan ng sanlibutan. Mapag-imbot, hambog at walang malasakit sa kapwa. Mga taong mapagpaimbabaw at haling sa kalayawan.

Ngayong may krisis tayo, lahat ay nagsasabing ipanalangin natin ang ating mga lider. Tama ba?

Alalahanin natin ang nangyari sa lupang hinirang ng Panginoon. Ang mga mamamayan ng Judah ay nalulong sa kasamaan at pagsamba sa mga diyus-diyosan.

Nanalangin at nanangis ang propetang si Jeremias sa Diyos para sa mga taong ito na naliko ng landas.

Pero sa Jeremias 7:17 ay kinastigo pa ng Diyos si Jeremias sa kanyang pananalangin at pamamanhik sa ngalan ng mga taong ito.

Anang Panginoon: "Jeremias huwag mong ipanalangin ang mga taong iyan. Huwag kang manangis sa akin para sa kanila dahil hindi kita pakikinggan."

Gayon na lamang ang poot ng Diyos sa mga taong bagaman at patuloy na sumasamba sa templo ay nananatili o nagbalik sa masamang gawain.

Kristiyano ka ba? Puwes, ipamukha mo sa kapwa mo na nagkakasala ang kanyang pagkakaliko. Hikayatin mo siyang magbalik-loob sa Diyos, magsisi at tumalikod sa kasalanan. Pero bago mo gawin iyan, tingnan muna ang sariling puso at baka ikaw din ay lisya.

Gawin ito sa paraang hindi mapanghusga, bagkus gawin mo sa paraang may pag-ibig at pagmamalasakit.

Sa Mateo 5:13-16, nais ng Diyos na magsilbi tayong asin at liwanag ng sanlibutan. Kung tayo’y tunay na Kristiyano, ihasik natin ang ating liwanag. Ipalasap natin ang ating alat sa paghahayag ng ebanghelyo na siyang tanging pag-asa ng ating daigdig na ngayo’y sadlak sa kasalanan at nabibingit sa kapahamakan.

Show comments