IKAW AT ANG BATAS - Ang paglaya ni Susan (Ika-22 sa serye)

MALALIM na nag-isip si Susan. Kung hindi siya lalaya, balik-selda siya. Hinihintay siya ng mga nakabanggang nanunungkulan. Padlock ng dalawang buwan. Kulong na’y lalo pang ikukulong. Tiryado: Munting pagkakamali ay tatakalan. Mapipilitan na siyang magpa-pangkat o gang upang magkaroon ng proteksyon. Ngunit tatatuan muna siya. Marurumihan ang malinis na balat. At sadyang tatak-preso na siya. Mapupuwersa na ring makipag-speaking line. Makipagrelasyon sa kapwa inmate para lang magkaroon ng responde, ng pagkain at pera. Anong kapalit? ang kanyang katawan. Parang prostitute na siya. Jokard. Pagpipilahan ng mga lalaking inmate. Pagmumulan ng riot ng mga pangkat. Ang kabilin-bilinan ni Nanay Beth, na sinunod niya ng isang taon at limang buwan, ay kanyang susuwayin. Ah. ‘‘Aaminin ko na lang.’’

Ngunit paano ang kanyang dangal… ang tanging natitira sa kanya? Kaya siya naglayas sa bahay noon, ay dahil hindi maatim ang ginagawa ng ina, na nang mamatay ang asawa’y kung kani-kaninong lalaki sumasama. At pati siya’y nais ibugaw. Gusto niyang mapanatili ang dignidad ng nasirang ama. At sa pagsisikap ay nakapagpatayo siya ng parlor shop, na ang kita’y sikretong ipinaparating sa kanyang mga kapatid. Siya ay marangal na tao, matatanggap kaya ng mga kapatid ang kriminal nilang ate?

‘‘Court resumes.’’

‘‘There is a new development, your honor." Nais isiwalat agad ng PAO ang magandang balita. ‘‘Accused Espinosa is willing to enter a plea of guilt. ‘‘Comment on fiscal?’’ Ang mala-ritwal na tanong ng hukom. Tingnan mo nga naman, nagkape lang saglit, may nabuo na palang kasunduan. ‘‘So as not to overburden the state, and for the immediate disposition of cases, no objection, provided, however that his co-accused Ramirez enter a similar plea.’’ ‘‘Atty. Santiago, how do your client enter a plea?’’ Sinisilip-silip ang notebook – ang listahan ng mga akusado sa kanyang sala. Inaayos ang istatistika. ‘‘Your honor, is the act of admission considered a mitigating circumstance, because if so, then I will convince my client.’’ Natawa ang mahal na judge. Sugurista ang abogado. Buti na lang at maganda ang kanyang mood. Palibhasa ay kapapasa ng panganay sa bar exam. At bilang pagbahagi sa biyayang natanggap sa buhay ay magpapalaya ng mga inmate. ‘‘Yes, everything that is based on law that favorably affects the accused will be liberally applied for in court. And take advantage of the benevolence of the Court because the succeeding hearings for my sala will resume on June. Yours truly will take a much needed vacation.

‘‘Susan, nasa iyo lahat ng pasya.’’

Umurong ang dila ng babae. Nagkaroon ng isip at ayaw sumali sa ritwal ng paghamak ng sarili. Lahat ay naghihintay sa kanyang sasabihin.(Itutuloy)

Show comments