Kinausap po ng kapatid kong babae ang aking tiyahin dahil magpapa-install kami ng tubo ng tubig na dadaan sa likod ng kanyang bahay. Ito raw ang pinaka-madaling daanan dahil kaunti lang ang magagamit na tubo at hindi na kailangang maghukay ng lupa, kaysa naman sa harap ng kalsada na maraming tubo ang gagamitin at maghuhukay pa at maraming trabaho ang gagawin.
Kami po ay nasa may looban at ang aming pinsan na pumapayag na magdugtong kami sa tubo ng tubig niya ay dadaan muna sa bahay ng aming tiyahin.
Ang inaalala lang po namin ay parang hindi pumapayag ang ama ng aming tiyahin na nakatira sa kanila dahil baka raw magulo lang ang lupa nila.
May basehan po ba kung ipapadaan namin ang tubo ng tubig sa likod ng bahay ng aming tiyahin kahit na magwala siya?
Sa batas ay may sinasabing easement o servitude. Ito ang isang encumbrance na ipapasan sa isang immovable para sa benepisyo ng ibang immovable na pagmamay-ari ng iba.
Ang mabuti mong gawin ay kausapin ang may-ari ng bahay na dadaanan ng tubo at bayaran mo nang hustong kabayaran para sa paggamit mo ng lupa na dadaanan ng iyong tubo.
Kailangan mo lang na mapatunayan ang mga sumusunod na bagay para maisakatuparan ang karapatan ng easement: 1.) Walang perhuwisyo sa paggamit niya ng tubig at supisyente ang tubo sa tubig na dadaloy; 2.) Ipakita na ang dadaanan na lupa niya ay ang pinaka-convenient at least onerous para sa ibang tao (3rd person); 3.) Pagbabayad sa may-ari ng lupang dadaanan nang ayon sa halaga ng lupa na tinitirikan at halaga ng pinsala na matatamasa ng may-ari ng lupa. (Arts. 643 & 649, CC).